SA GRANDENG pagdiriwang ng golden anniversary, opisyal na inilunsad ng Philippine Basketball Association (PBA) ang isang bagong logo para sa darating nitong 50th season.
Ito ay isang all-gold logo bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Liga, ang mga letra ng PBA50 ay kulay ginto at may silhouette ng isang nagdi-dribble na manlalaro sa gitna na ngayon ay kulay itim.
Ang logo ay sumisimbolo sa mahabang paglalakbay ng Liga mula nang magsimula noong 1975, at sa kalaunan ay nakamit ang katayuan bilang pioneer ng mga professional league sa buong Asya.
Ang PBA Board na pinamumunuan ni Chairman Ricky Vargas at Commissioner Willie Marcial ay nanguna sa pormal na paglulunsad noong Lunes sa ground floor ng Launchpad Building sa Sheridan St., Mandaluyong City.
Kasama nila ang iba pang mga opisyal ng Liga tulad ni Deputy Commissioner Eric Castro at mga TV5/Cignal Executives na pinangunahan nina Jane Basas, Guido Zaballero, at Sienna Olaso.
Dumalo sa okasyon si PBA Legend Allan Caidic na kumatawan sa selection panel para sa 10 karagdagang manlalaro na magpupuno sa listahan ng 50 Greatest ng Liga.
Ayon kay Marcial, ang paglulunsad ng logo ay isinagawa bilang paghahanda sa golden anniversary ng liga sa 9 Abril, at doon ihahayag ang 10 bagong manlalaro na idaraggdag sa 50 Greatest.
Ito ay simula pa lamang ng isang abalang iskedyul na inihanda ng Liga upang ipagdiwang ang kanilang isang beses sa buhay na selebrasyon.
Isang serye ng mga aktibidad ang inihanda ng PBA para sa pagbubukas ng Season 50 sa 5 Oktubre.
Isang bihirang homecoming na magtatampok ng mga dating manlalaro, opisyal, executives, at mga personalidad na kasangkot sa Liga sa mga nakaraang taon ang inihanda para sa mga basketball fans, kasama na ang paglulunsad ng bagong championship trophy.
Inianunsiyo rin ang mga mall at school tours na tampok ang lahat ng 12 koponan at kanilang mga manlalaro, ang Adopt-a-Court program, at ang pagbabalik ng Homecourt, kung saan bibisita ang liga sa iba’t ibang court sa mga barangay sa National Capital Region.
Kasabay nito, muling ipinahayag ng TV5 at Cignal ang kanilang suporta sa liga sa pamamagitan ng kanilang multi-platform coverage upang matiyak ang isang makulay at makasaysayang selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng PBA.