PUERTO PRINCESA CITY – Nagsimula na ang 16th Batang Pinoy National Championships kahapon, Linggo sa Ramon V. Mitra, Jr., Sports Complex.
Mahigit 11,000 atleta ang kalahok sa kompetisyon na may tatlong kategorya ng edad: 12-13 taon, 14-15 taon, at 16-17 taon.
“Malaking bagay para sa Puerto Princesa na muling maging host ng Batang Pinoy at nais kong pasalamatan ang lahat ng nagsikap, lalo ang mga guro at mga punong-guro, upang matiyak na ang mga delegado mula sa buong bansa ay magiging komportable at malugod na tinanggap dito,” ani Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron sa isang press conference noong Sabado sa city hall.
Matagumpay na naging host ang Puerto Princesa sa Batang Pinoy noong 2002 at 2019.
“Nagpapasalamat kami sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa dahil ang aming pakikipagtulungan sa kanila ay naging maayos. Sino ba ang hindi nais na makipagtulungan muli sa kanila?” pahayag ni Philippine Sports Commission chair Richard Bachmann.
Dumalo rin sa media briefing sina City Sports Head Rocky Austria at Project Director Paolo Tatad.
Bago matapos ang Batang Pinoy, magiging host din ang lungsod ng 11th Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) Friendship Games sa 1-5 Disyembre. (HATAW Sports)