Tuesday , December 31 2024
Firing Line Robert Roque

Apela ng seniors: Booklet tanggalin

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BIHIRANG-BIHIRA, kung nangyayari man, na nagsusulat ako ng pansariling interes dito sa Firing Line. Pero sa edad kong ito na nakasimpatiya na ako sa pinakanakatutuwang marginalized sector ng lipunan, pakiramdam ko ay obligasyon kong gamitin ang platform na ito upang ipaglaban ang kapakanan ng matatanda.

Oo naman, aminado akong nasa “age of thunders” na, at gaya ni Thor, gusto kong hatawin ng martilyo ang aking punto para dumagundong hanggang Kongreso na wala nang pakinabang na ano man ang Senior Citizen Purchase Booklets.

Maaaring naging malaking tulong noon ang booklet system, pero ngayon, perhuwisyo na lamang ito sa ating mga senior citizens. Dagdag-abala lamang ito para sa mga nakatatanda — na iritable na nga sa mga iniinda nilang pananakit ng katawan dala ng kanilang edad — na kailangan pang huwag kalimutang bitbitin ang booklet tuwing bumibili ng kanilang mga pangangailangan o gamot.

Kung hindi nila matandaan kung saan ito naitabi o kaya naman ay naiwan sa bahay, hindi sila mabibigyan ng mga diskuwento, na sa totoo lang ay legal na karapatan naman nila. Sa panahon ng emergency, talagang pahirap ang booklet na ito, lalo sa mga nangangailangan ng agarang gamutan.

Sa ilalim ng House Bill 10893 ni Rep. Gus Tambunting, tinatanggal na ang sinaunang sistemang ito kapalit ng mas episyenteng paraan na digital. Bakit ipinagpipilitan ang antigong nakaimprentang libreta kung lahat tayo ngayon ay pinapadali na ng teknolohiya ang mga buhay?

Ang pag-aproba kamakailan sa House Bill 10313 ay patunay ng kagustuhan ng Kongreso na makaagapay sa modernong panahon; pinahihintulutan nito ang mga seniors at PWDs na gumamit ng digital ID sa eGov PH Super App, na may seguridad sa paggamit ng biometric verification. Mas madali na rin para sa nasabing platform na magkaloob ng mga prebilehiyo nilang diskuwento sa bawat pagbili, kaya hindi na kailangan ng pisikal na booklet.

Magprangkahan na tayo: hindi lamang ito tungkol sa kung ano ang kombinyente; tungkol ito sa respeto sa ating mga nakatatanda at PWDs. Ang pag-obliga sa kanila na laging bitbitin ang isang hindi naman na kinakailangang booklet para lang maibigay ang kanilang pangunahing karapatan ay hindi lamang basta dagdag-isipin sa kanila — nakawawala ito ng dignidad.

Sa pamamagitan ng teknolohiya, nagkakaroon tayo ng pagkakataong bigyang-pugay ang ating mga nakatatanda dahil ginagawa nating mas maginhawa ang buhay para sa kanila, hindi iyong lalo pang pahihirapan. Piliin natin ang sistemang ginamitan ng teknolohiya na bukod sa napapanahon ay nagbibigay-respeto sa karapatan nilang mga nauna sa atin dito sa mundo.

Kongreso, hindi lamang ito simpleng kahilingan. Isa itong paalala sa aking tungkulin, gayondin sa maraming kagaya ko d’yan sa kapulungan na batid ang mga hirap na pinagdaraanan ng mga nagkakaedad. Aprobahan na ninyo ang House Bill 10893 at bigyan ang ating mga nakatatanda at mga PWDs ng solusyon na rumerespeto sa kanilang dignidad at oras. Maaaring marami sa amin ang hindi techies sa digital world ng kasalukuyan, pero hayaan natin ang ating mga sarili na makinabang sa mga umiiral nang tech-driven initiatives na sadyang ginawa para sa ating kapakanan.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …