INDANG, CAVITE – Nakadiskubre ang dalawang shooter, isang boxer, at kickboxer para sa pambansang koponan habang tuluyang iniuwi ng Philippine Navy ang pangkalahatang kampeonato sa pagtatapos ng 2024 Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games National Championships sa Cavite State University (CAVSU).
Kinolekta ng Navy ang 44 ginto, 19 pilak, 26 tanso para sa kabuuang 89 medalya upang tanghalin na pangkalahatang kampeon sa best-of-the-best finals.
Ang Army ay may 42 ginto, 54 pilak, at 77 tanso para sa kabuuang 173 medalya. Ang Air Force ay may 18 ginto, 27 pilak, at 39 tanso para sa 84 medalya.
Inihayag nina Senador Francis Tolentino, na siyang may brainchild sa ROTC Games, kasama si Annie Ruiz, na PSC Technical head pati na reprensentante ng Department of National Defense, ang pagkakadiskubre sa dalawang kadeteng atleta sa Target Shooting, isa sa boxing, at isa sa kickboxing.
Ang dalawang shooter ay agad na idineklara ng mga namamahalang opisyal ng National Shooting Association of the Philippines na kanilang idaragdag bilang mga miyembro ng developmental pool at isasama sa pagsasanay at paghahanda para sa mga internasyonal na kompetisyon.
Tinukoy ni Senador Tolentino ang magkapatid na shooter mula sa De La Salle University na sina Danielle Benjmin Cruz, umiskor ng pinakamataas na 276 puntos, habang kasunod nito si Dexter Blinda Cruz na may 260 puntos para ibigay ang ginto at pilak na medalya sa Navy. Pangatlo si Christian Baylon ng TUP (260 puntos) sa tanso.
Ang gintong medalya ni Cruz ang nagtulak sa Navy para maangkin ang pangkalahatang titulo sa pangalawang taon ng torneo para sa mga kadeteng atleta.
Sinandigan din ng Navy ang panalo ni Benie Tabaco-an ng University of Antique sa pagwawagi nito laban kay Army cadet Raffy Chagsan ng University of Baguio sa light welterweight division ng sport na boxing upang maungusan sa mahigpit na labanan ang nag-uwi ng pinakamaraming gintong medalya noong nakaraang taon na Army.
Itinanghal ang De La Salle University bilang pinakamahusay na High Educational Institution (HEIs) matapos magwagi ng 25 ginto at 1 pilak kasunod ang Rizal Technological University-Boni Campus na may 16 ginto, 17 pilak, at 11 tanso habang pangatlo ang University of Negros Occidental – Recoletos na may 6 ginto, 6 pilak, at 4 tanso. (HATAW News Team)