SA GITNA ng ginagawang clean-up drive pagkatapos manalasa ng Habagat at bagyong Carina, isang barangay chairman ang pinagbabaril ng dalawa kataong magkaangkas sa isang motorsiklo nitong Sabado ng umaga, 3 Agosto, sa bayan ng Angat sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Isagani Enriquez, OIC ng Bulacan PPO, kinilala ang biktimang si Wenceslao Bernardo, chairman ng Barangay Marungko, sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Angat MPS, nagsasagawa ng clean-up drive si Bernardo kasama ang mga kabarangay sa Sitio Tugatog sa Brgy. Marungko nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka.
Ayon kay P/Maj. Mark Anthony San Pedro, hepe ng Angat MPS, pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na tinamaan sa likod ng kaniyang ulo.
Naitakbo pa ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng mga manggagamot.
Napag-alamang nakunan ng CCTV camera ang mabilis na pagtakas ng mga suspek patungo sa direksiyon ng bayan ng Bustos, sa naturang lalawigan.
Ayon kay San Pedro, patuloy pa rin ang backtracking nila sa mga kuha ng CCTV at tinitingnan ang lahat ng anggulo hinggil sa posibleng motibo sa pagpatay sa biktima dahil wala umanong natatanggap na banta sa buhay ang punong barangay.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang Angat MPS upang matukoy ang pagkakakalinlan at ikadarakip ng mga suspek. (MICKA BAUTISTA)