LUMUBOG ang isa pang motor tanker sa karagatang sakop ng bayan ng Mariveles, sa lalawigan Bataan na ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ay namataan ang oil sheen o manipis na kinang ng langis sa bahagi ng Corregidor.
Kinompirma ni PCG Spokesperson CG Rear Admiral Armando Balilo ang paglubog ng motor tanker sa karagatan ng Brgy. Cabcaben, sa nabanggit na bayan, nitong Sabado, 27 Hulyo.
Ayon sa ulat ng PCG, dakong 5:00 pm kamakalawa nang sumugod ang tatlong 44-meter nilang mga barko sa karagatan at natagpuan ang lumubog na motor tanker.
Nagsagawa na rin ng paunang underwater assessment ang Coast Guard nitong Linggo, 28 Hulyo, at natukoy ang motor tanker bilang “MTKR Jason Bradley.”
Sa kasalukuyan, patuloy ang diving operations ng PCG upang matiyak ang kondisyon ng nasabing motor tanker.
Nitong nakaraang Huwebes, 26 Hulyo, naunang lumubog ang isang oil tanker na may layong 3.6 nautical miles mula sa Lamao Point, sa bayan ng Limay, sa naturang lalawigan.
Ayon sa PCG, ang Philippine-flagged Motor Tanker Terra Nova ay may dalang 1.4 metriko tonelada o 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil na papuntang Iloilo.
Sa isinagawang aerial surveillance ng Coast Guard, tinatayang umabot sa 2 nautical miles ang lawak ng oil spill sa layong 5.6 nautical miles mula sa Lamao Point. (MICKA BAUTISTA)