Friday , March 6 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

Paghihintay sa SONA

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

INAASAHANG nakatutok ang mata ng lahat sa Presidente sa Lunes, 22 Hulyo. Para sa mga hindi interesado at dedma sa Punong Ehekutibo, mag-isip-isip kayong muli.

Hindi ko sinasabing sumang-ayon tayong lahat kay Mr. Marcos. Totoong matitinding pagsubok ang hinaharap ng ating bansa ngayon, at ang matamang pakikinig natin sa kanyang ilalahad sa State of the Nation Address (SONA) ay mas higit na pagpapakita ng ating pag-aalala para sa ating bansa kaysa pagpapamalas ng ating magkakaibang paniniwalang politikal.

Karapat-dapat lang para sa atin at sa ating mga pamilya na malaman kung ano ang aktuwal at kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa mula mismo sa itinalaga natin upang magpasya para sa ating bayan: Mga bagong batas? Pagbabago sa halaga ng taripa? Gera?

Ang ilalahad na SONA ay higit na tungkol sa atin kaysa tungkol sa taong nagsasalita para sa ating gobyerno. Kung totoong may malasakit tayo sa ating bayan, sa tinatahak nitong direksiyon, at sa ating kinabukasan, dapat lang na paglaanan natin ng panahon na mapakinggan ang ating Presidente.

Ang ‘designated survivor’

Ganito rin ang inaasahan ko mula kay Vice President Sara Duterte-Carpio. Sa totoo lang, nakatulong siya upang mahalal ang Pangulo. At hanggang nitong nakaraang buwan, bahagi siya ng Gabinete na nagpapatakbo sa bansang ito.

Ang mga hakbangin niyang politikal palayo mula sa grupo ng mga pinagkakatiwalaan ni Mr. Bongbong Marcos ay hindi nagbibigay sa kanya ng exemption sa pakikinig ng SONA – siya pa rin naman ang VP, ‘di ba?

Pero kung mayroon mang nakababahala ay iyong sinabi niya sa panayam sa kanya ng GMA Regional TV interview sa Davao City nitong Huwebes, hindi lang siya hindi dadalo sa SONA; itinalaga rin niya ang kanyang sarili bilang ‘designated survivor.’

Para sa mga hindi pamilyar sa terminong ‘designated survivor,’ tumutukoy ito sa isang mataas na opisyal ng gobyerno na sadyang pinananatiling ligtas at iniiwas sa mga pagtitipon-tipon ng pinakamatataas na opisyal, sa pangunguna ng Presidente, para sakaling magkaroon ng trahedya — gaya ng pambobomba o lindol — na nagbunsod upang hindi magampanan ng mga opisyal na ito ang tungkulin nila sa pamahalaan, ang ‘designated survivor’ ang mamumuno para sa kanilang mamamayan.

               Hindi ba parang nakatatakot na si Inday Sara ay binabalewala o ginagawang biro ang mga ganoong pangitain sa pagdedeklara sa kanyang sarili bilang designated survivor? Bakit, may inaasahan ba siyang trahedya na nakaambang mangyari at magiging dahilan upang hindi magampanan ni Mr. Marcos at ng iba pang matataas na opisyal ang kani-kanilang tungkulin?

Marahil dapat lang na iklaro niya ang kanyang naging pahayag, para sa kapakanan na rin ng publiko.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Ano ang tunay na layunin ng ‘Maleta soldiers’ exposé?

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI  itinuturing na aksidente ang paglitaw ng 18 kataong nagpakilalang ex-Marines …

Aksyon Agad Almar Danguilan

May mga tanong sa kredibilidad at identidad ng 18 ex-Marines

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA KASALUKUYANG pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa kasong kinakaharap …

Firing Line Robert Roque

Ang Panganib ng mga Landfill

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANG tanging dahilan kung bakit tila hindi gaanong pinapansin …

PADAYON logo ni Teddy Brul

People Power revisited:
Ang kapangyarihan ng masa at dominasyon ng elitista

Ang mga larawan ay mula sa file photos ni Romeo Mariano. “KUMUSTA na, ayos pa …

YANIG ni Bong Ramos

Death penalty ibalik laban sa krimeng karumal-dumal at pandarambong sa bayan

YANIGni Bong Ramos TILA wala na yatang takot sa Diyos at sa batas ang mga …