Lipa City, Batangas — Nanguna ang Team Seirin sa open division ng JCI Senate Lipa Open Rapid chess team tournament sa Lipa City Convention Center noong Lunes, 17 Hunyo 2024, dito.
Ang pinakabagong FIDE Master ng bansa na si Ivan Travis Cu ang nag-angkla sa kampanya ng Team Seirin kasama sina Tyrhone James Tabernilla at Zeus Alexis Paglinawan.
Nagsilbing coach ng koponan si International Master Jan Emmanuel Garcia.
Nagtapos ang Team Seirin na may pitong puntos batay sa match point-style scoring system na ginagamit ng organizing JCI Senate Lipa para pamunuan ang isang araw na rapid chess meet, na ginanap kaalinsabay ng pagdiriwang ng Lipa City Foundation Day.
Nakatanggap ang Team Seirin ng P50,000, tropeo at medalya para sa kanilang pagsisikap sa event na ito na sinuportahan nina Mayor Eric Africa, dating Vice-Mayor Kuya Boy Manguerra, at Philippine Society of Mechanical Engineers – PSME past president Engr. Roger Reyes.
Tinalo ng Team Seirin ang Blahlala, 3-0, sa unang round; Team Gold Eagle, 2-1, sa ikalawang round; UST Team F, 2.5-0.5, sa ikatlong round; Team Pakners, 2.5-0.5, sa ikaapat na round round; UST Team B, 2-1, sa fifth round; Tira-Tira Sampaloc C, 2.5-0.5, sa sixth round; at The Teddy Bears, 2-1, sa seventh at final round.
“Truly a team effort,” sabi ng 15-anyos na si Cu, Grade 10 student sa Xavier School, San Juan City na sariwa pa sa second place finish nitong nakaraang buwan sa Hanoi IM (International Master) chess tournament sa Vietnam kalakip ng pagkopo ng FIDE Master title.
Si Cu ay nagtala ng 5.5 puntos sa board 1; si Tabernilla ay nagtala ng 4.5 puntos sa board 2; habang si Paglinawan ay nakakuha ng 6.5 puntos sa board 3.
Pumapangalawa ang UST Team A (Mark Gerald Reyes, Carl Daluz, at Allan Gabriel Hilario) na sinundan ng Tira-Tira Sampaloc C (Kelly Rancalp, Narciso Gumila at Timothy Baclayon).
Pasok sa top 10 ang Team Red Horse (ika-apat), The Teddy Bears (ika-lima), UST Team F (ika-anim), Santa Rosa Lions B (ika-pito), Team Pakners (ika-walo), Sir Nats Team A (ika-siyam) at Team Larry Dumadag (ika-sampu).
Samantala, nagkampeon si Rian Paul Tenorio sa Youth Division (Under 18 Years Old) kasunod sina Ariel Santander, at Clyde Jared Torena.
Nauna rito, pinangunahan nina Mayor Eric Africa at Asia’s First Grandmaster Eugene Torre ang ceremonial moves sa pagsisimula ng isang araw na torneo na dinaluhan din nina Philippine Society of Mechanical Engineers – PSME past president Engr. Roger Reyes’ International Master Roderick Nava ng Kamatyas Chess Club; Chief Arbiter Ryan Dimayuga; Deputy Arbiter Allan Oseña; 13-time Philippine Open Champion Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio, Jr., dating Vice-Mayor Kuya Boy Manguerra, at tournament director Engr. Danilo “Danny” Reyes. (MARLON BERNARDINO)