ni Marlon Bernardino
MULING sasabak sa ibabaw ng ring si Manny Pacquiao matapos ang apat na taon niyang pagreretiro.
Kinompirma ni Pacquiao kahapon, Miyerkoles, 21 Mayo, na hahamunin niya ang kampeon ng World Boxing Council welterweight na si Mario Barrios ng Mexico sa 19 Hulyo sa MGM Grand sa Las Vegas, Estados Unidos.
“I’m back,” sulat ni Pacquiao sa kanyang mga social media account. “Let’s make history!”
Sa kanyang edad na 46 anyos, posibleng mahigitan ni Pacquiao ang kanyang sariling rekord bilang pinakamatandang welterweight champion — isang tagumpay na kanyang nakamit nang talunin niya ang Amerikanong si Keith Thurman para sa titulo ng World Boxing Association (Super) sa edad na 40 anyos noong Hulyo 2019.
Nawala ang titulo dahil sa kawalan ng aktibidad, nakipaglaban si Pacquiao para sa titulo laban sa dating kampeon na si Yordenis Ugas ng Cuba noong Agosto 2021 ngunit natalo sa unanimous decision sa laban na naging huli sa kanyang propesyonal na karera.
Nagretiro si Pacquiao mga buwan pagkatapos noong Setyembre 2021 dahil sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo.
Sa kabila ng pagreretiro, nakilahok si Pacquiao sa mga exhibition bouts, na tinalo sina dating WBA super bantamweight champion na si Jesus Salud at Korean martial artist na si DK Yoo at nakipag-draw kay Japanese kickboxer na si Rukiya Anpo.
Taglay ang rekord na 62-8-2 (39 knockouts), haharap si Pacquiao sa isang malaking hamon laban kay Barrios, 16 taon na mas bata sa kanya.
Si Barrios ay may record na 29-2-1 (18 knockouts), at ang kanyang huling laban ay nagtapos sa split draw laban kay Abel Ramos na nagpahintulot sa kanya na mapanatili ang korona ng WBC.
Sa labanang ito ay dehado si Pacquiao, ngunit naniniwala ang kanyang pinakamalaking kalaban na mas mabuting huwag magkompiyansa ang kanyang makakatungali.
“Pagkatapos ng apat na taon na pagiging inaktibo, ating masasaksihan kung paano siya babalik. Pagkatapos ng knockout noong 2012, nagpatuloy siya sa pakikipaglaban at mukhang maganda ang kanyang performance sa pagkatalo sa mahuhusay na boksingero,” sabi ng Mexican boxing great na si Juan Manuel Marquez sa isang panayam sa ProBox TV kamakailan.
“Si Manny Pacquiao ay isang boksingero na nag-dedikasyon sa kanyang sarili, isang disiplinadong boksingero. Hindi ito madaling laban para kay Mario Barrios,” dagdag niya.
Kilalang-kilala ni Marquez, opisyal na nagretiro sa isport noong 2017, si Pacquiao dahil sa apat na makasaysayang laban nila bilang magkaribal mula 2004 hanggang 2012.