Together Forever dance nina Roderick at Carmi nagpakilig sa Maddox Iconic Runway 2026
ni Allan Sancon
NAGNINGNING ang Edsa Shangri-La Hotel Ballroom noong Hulyo 30 nang ihatid ng Maddox Jewelry ang kanilang pinakamagarbong Iconic Runway Diamond Jewelry Fashion Show 2026, isang gabing pinagsama ang kinang ng mga dyamante at ningning ng mga pinaka-malalaking pangalan sa showbiz.
Mula pa lamang sa opening production number ay napahanga na ang audience sa mga LED dancers na nagliwanag sa entablado, dahilan para lalong tumaas ang excitement bago rumampa ang mga celebrity icon.
Mas lalong naging classy ang programa sa mahusay na pagho-host ng Queen of Talk na si Korina Sanchez, na nagbigay ng eleganteng timpla sa engrandeng fashion event. Isa-isang ipinakilala ang mahigit 40 celebrity models na rumampa suot ang naggagandahang diamond jewelry collections ng Maddox, sa direksiyon ng batikang fashion director na si Robby Carmona.
Kabilang sa mga labis na hinangaan ng audience ang pagrampa nina Claudine Barretto, Ara Mina, Beauty Gonzales, Pokwang, Katrina Halili, AJ Raval, Ryza Cenon, Diego Loyzaga, Kris Bernal, Jeric Raval, Amy Austria, Eric Quizon, Jackie Lou Blanco, Gardo Versoza at marami pang iba. Bawat paglabas ng mga artista ay sinabayan ng hiyawan at malalakas na palakpakan habang kumikislap ang kanilang mga suot na diamond jewelry.
Isa sa well-applauded ay ang Together Forever dance nina Roderick Paulate at Carmi Martin. Umani ng matinding palakpakan ang kanilang espesyal na pagtatanghal na nagpabalik ng masasayang alaala sa mga manonood. Kitang-kita ang saya at chemistry ng dalawa sa entablado, kaya isa ito sa pinaka-pinag-usapang bahagi ng buong fashion show.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ng CEO ng Maddox Jewelry na si Ms. Charo Cordial ang inspirasyon sa likod ng patuloy na paglago ng kanilang kompanya.
Aniya, “Hindi lang kami gumagawa ng alahas. Lumilikha kami ng mga simbolo ng pagmamahal, tagumpay, at pangarap. Ang bawat dyamante ay may kuwento, at nais naming maging bahagi ng mahahalagang sandali sa buhay ng bawat Filipino.”
Dagdag pa ni Ms. Cordial, “Sa loob ng mahigit limang taon, nananatili ang aming paniniwala na ang tunay na luxury ay dapat maranasan ng lahat. Lahat ay may karapatang magningning, kaya patuloy kaming gagawa ng world-class jewelry na may kalidad, ganda, at puso.”
Ang inspiradong mensahe ng Maddox owner ay sinalubong ng masigabong palakpakan ng mga celebrity guest at invited clients.
Hindi lang basta fashion show ang ipinamalas ng Maddox kundi isang world-class entertainment spectacle na nagsama-sama ang fashion, musika, at showbiz.
Bawat segment ng runway ay naghatid ng kakaibang karangyaan, na lalong nagpatibay sa reputasyon ng Maddox bilang isa sa mga nangungunang pangalan sa diamond jewelry industry.
Sa pagtatapos ng gabi, walang dudang naging malaking tagumpay ang Maddox Iconic Runway Diamond Jewelry Fashion Show 2026. Mula sa nakasisilaw na alahas, engrandeng produksiyon, hanggang sa mga unforgettable performances at celebrity appearances, napatunayan ng Maddox Jewelry na pagdating sa kinang, estilo, at world-class entertainment, sila ang tunay na kumikinang sa industriya.