Metropop alumni ‘di issue ang billing, walang nagpaka-diva
HARD TALK
ni Pilar Mateo
ECHOES of the Metropop.
Ito ang ihahatid ng pitong dilag na binigyan ng kapangyarihang magpasaya ng hinatiran ng kanilang mga awitin magmula nang sumalang sa mga paligsahan sa pag-awit.
Kahit pa sa Taiwan na nananahan si Roxanne Barcelo na nakilala rin bilang mahusay na aktres, ang pagwawagi niya sa Metropop Star Search noong 1998 ay nag-iwan ng marka sa madla. Part of Your World ang inawit niya.
Queen of Telenovela Songs ang ikinapit sa pangalang Faith Cuneta. Soundtrack of our lives ang ibinahagi nito sa atin.
Taong 1997 sa Metropop stage nakilala si XaXa Manalo dahil sa version niya ng Bakit Pa ni Jessa Zaragoza. Pero umiba ito ng landas at sa rami ng inikutang ruta ng kanyang buhay, natumbok pa rin nito na maging isang flight attendant sa ating flag carrier na PAL.
Sino ba ang ‘di makakikilala kay Champagne Morales. Paslit pa lang ito, dahil sa inang aktres at singer din na si Dinah Dominguez, nakaukit din ng ngalan niya sa pagkanta ito. Konektado siya sa cruises na kumakanta rin siya kapag may pagkakataon.
Memorable kay Camille Velasco ang kantang How Could An Angel Break My Heart. Sa 2000 Metropop Star Search naman nito binigyang puso ang awitin ni Toni Braxton.
Ang may pinakamataas na boses sa pitong dilag ay si Anna Katrina Lara. On the Wings of Love naman kasi ang nagpa-grand champion sa kanya noong 2000.
Si Miles Poblete, bokalista ng bandang Hotdog. Taong 1999 nang mag-grand champion siya sa Metropop dahil sa version niya ng Anak ng Pasig.
Sa September 5, 2026 magsasama-sama sila sa entablado ng Teatrino para sa ididirehe ni Vivian Poblete na Stars Reignited. Na ang areglo ay isasagawa ni Maestro Elmer Blancaflor.
Nabuo ang plano sa isang pagsasama-sama o pagtitipon. Kainan. Inuman. Kwentuhan.
Mga boses nila ang magpapakabog.
Seven. Lucky. Magical.
Malay natin, sa isang pelikula o TV show sila magsama-sama.
Sa entablado ng Teatrino sa gabi ng palabas nila sasabihin ang mga kwento ng buhay nila. Never been told na mga hamon sa buhay.
Muling mag-apoy ang silakbo ng kanilang pagmamahal sa musika.
Walang isyu. Walang sapawan. Hindi problema ang billing. Walang nagpapa-diva! Suporta sa isa’t isa kaya masaya ang pagsasama-sama.
Sasamahan sila ng isang umiidolo sa kanila. Na magtatahi sa production numbers ng pitong dilag. Si Cye Soriano na sinasabing Karen Carpenter ng bansa. Pero sa gabing ‘yun, ibang kanta ang ipagagawa sa kanya nina Direk Vivian at Musical Director Elmer. Makaya kaya niya?
And they will never compete for a spot. Where they stand is their spot! As they relive the echoes of their Metropop dreams!