POSITIBO sa pulbura ang suspek sa road rage incident na kinilalang si Gerrald Yu mula sa nakompiskang baril, isang Taurus pistol na tumugma sa nakuhang fired cartridge sa pinangyarihan ng krimen sa EDSA Ayala tunnel sa lungsod ng Makati.
Ito’y base sa inilabas na ballistic examination matapos isailalim sa paraffin test si Yu.
Nakuha rin sa suspek ang dalawang kalibre ng pistola kasama sa mga nasamsam na baril na dinala sa PNP Forensic Group para sa ballistic examination.
Sa pagsusuri ng Firearms and Explosives Office, natuklasan ng PNP na walang nakarehistrong baril sa pangalan ng suspek.
Sa isang briefing, ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjur Abalos na ang itim na Mercedes Benz, may plakang BCS77 ay nakarehistro sa isang indibiduwal na nakatira sa Las Piñas pero hindi na matagpuan sa lugar.
Sa isang follow-up operation kalaunan ay humantong sa pagkakakilanlan at lokasyon ng suspek sa kahabaan ng Riverside Village, Pasig City.
Nakita rin sa tirahan ang isang itim na Mercedes Benz na may plakang DAD 98670.
Dagdag ni Abalos, ang plakang BCS77 ay natagpuan sa loob ng Mercedes Benz na gamit ng suspek nang mangyari ang insidente. (NIÑO ACLAN)