PINANGUNAHAN ni Senador Lito Lapid ang groundbreaking ceremony ng Jose Songco Lapid District Hospital sa Porac, Pampanga kahapon, 30 Mayo 2024.
Sa kanyang mensahe sa mga Poraqueño, sinabi ni Senador Lapid, prayoridad niya ang pagpapatayo ng mga ospital para mabigyan ng de kalidad na serbisyong medikal ang mga kababayang hikahos sa buhay.
Ikinagalak ng Senador na nataon ang groundbreaking ceremony sa birthday ng kanyang mahal na nanay.
Sa pangunguna nina Pampanga Governor Delta Pineda at Porac Mayor Jing Capil, nagpasalamat ang mga doktor, nurses, medical staff, at mga pasyente sa pagtatayo ng bagong gusali at paglalagay ng mga modernong pasilidad sa ospital.
Sa kanyang talumpati, nag-commit si Gov. Pineda na magbibigay ang Pampanga provincial government ng CT scan at iba pang diagnostic machines para mapagkalooban ng mahusay na health services ang mga taga-Porac.
Bukod sa nasabing proyekto, sinabi ni Pineda, magkakaloob din si Lapid ng 21 ambulansiya sa lahat ng bayan ng Pampanga.
Kasama ni Senador Lapid ang kanyang anak na si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid sa nasabing seremonya. (NIÑO ACLAN)