CAMP VICENTE LIM, LAGUNA — Walong intelligence officer ang inaresto ng kanilang mga kasamahan sa loob ng himpilan matapos nilang salakayin ang maling bahay na kanilang target sa pagtutulak ng droga sa Barangay Raasohan, Lucena City, Quezon, nitong Biyernes ng madaling araw.
Ang mga pagkakakilanlan ng mga pulis kabilang ang isang kapitan, dalawang sarhento at limang corporal ay pansamantalang pinigil habang sila ay nakapiit sa himpilan.
Sinampahan ng mga kasong kriminal na grave threats, unjust vexation, at violation of domicile, ang mga inaretsong intel officers sa City Prosecutor’s Office nitong nakaraang Biyernes ng hapon.
Bukod sa kasong kriminal mahaharap din ang mga nasbaing pulis sa kasong administratibo dahil sa grave misconduct bago ang pre-evaluation charge ng Quezon Provincial Police Office.
Tinanggal din si P/Lt. Col. Reynaldo Reyes sa kanyang puwesto bilang hepe ng pulisya ng lungsod para sa doktrina ng command responsibility sa ilalim ng patakaran ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Pinalitan siya ni P/Lt. Col. William Angway, Jr., kasabay na Deputy Provincial Director for Administration bilang OIC-Lucena City police chief.
Ayon sa ulat, sinabi ng mga nagreklamong sina Renelyn Rianzales, 52 anyos, at isang Armando Paderon, nasa hustong gulang, sinalakay ng grupo ng mga pulis ang kanilang bahay nang walang search warrant, na matatagpuan sa Parok Masagana dakong 3:15 am.
Anila, habang tinutukan ng baril ng mga pulis, pinagbantaan din ang kanilang buhay at sinigawan sila habang hinahalughog ang kanilang mga gamit.
Agad humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga nagreklamo nang matapos ang pagsalakay sa kanilang bahay na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga pulis.
Sinabi ni Angway Jr., ang mga akusadong pulis ay nagsasagawa ng buybust sting laban sa isang drug suspect, ngunit, ang mga pulis ay pumasok sa maling bahay na kanilang target.
Nabatid na isa si Rianzales sa naging saksi sa congressional hearing na isinagawa ng mga mambabatas na sina Rep. Dan Fernandez at Deputy Speaker Rep. David Suarez kaugnay ng Barangay & Sangguniang Kabataan elections (BSKE) 2023.
Naniniwala si Rianzales na ang nasabing pagsalakay ay may kinalaman sa kanyang pagiging witness. (BOY PALATINO)