NASAKOTE ang dalawang lalaking nakatala bilang Regional Level Most Wanted Persons sa magkahiwalay na manhunt operation ng mga awtoridad nitong Martes, 21 Mayo, sa bayan ng Bay, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Gauvin Mel Unos, Acting Provincial Director ng Laguna PPO ang mga nadakip na suspek sa mga alyas na Ken at Jeric.
Sa ulat ni P/Maj. Bob Louis Ordiz, hepe ng Lumban MPS, nagkasa ang kanilang warrant personnel ng manhunt operation dakong 9:00 pm kamakalawa sa Brgy. Sto. Domingo, sa bayan ng Bay, Laguna.
Dinakip si alyas Ken sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Calamba City RTC Family Court – Branch 2 para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa at Rape by Sexual Assault na may inirekomendang piyansang P120,000.
Gayondin sa isa pang manhunt operation na ikinasa ng Rizal MPS sa pamumuno ni P/Maj. Dimsy A. Pitan, naaresto si alyas Jeric sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng San Pablo RTC Family Court – Branch 7, para sa kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa dakong 8:30 pm kamakalawa sa Brgy. Pauli 2, bayan ng Rizal, sa naturang lalawigan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kaniyang operating unit ang mga arestadong akusado.
Agad inimpormahan ang korteng pinagmulan ng Warrant of Arrest sa pagkakaaresto ng mga akusado.
Pahayag ni P/Col. Unos, “Hangad ng inyong pulisya na maipagkaloob ang hustisyang nararapat para sa mga biktima ng kriminalidad, hindi kami mapapagod sa paglilingkod at pagbibigay ng proteksiyon sa ating mga mamamayan dahil iyan ang aming sinumpaang tungkulin.” (BOY PALATINO)