MANILA – Ginulat ni Filipino FIDE Master (FM) Christian Gian Karlo Arca si top seed Vietnamese Grandmaster (GM) Tran Tuan Minh nang makopo ang solong liderato at lalong napalakas ang tsansa na masungkit ang second International Master (IM) norm matapos ang ika-limang round ng Quang Ninh GM2 chess tournament 2024 sa Quang Ninh Exhibition of Planning and Expo Center sa Ha Long Ward, Ha Long City, Vietnam noong Huwebes, 16 Mayo.
Bunga ng panalo ay nakalikom si Arca ng kabuuang 4 puntos mula sa 3 panalo at 2 tabla matapos ang limang laro.
“Hope mahawakan po natin ang momentum,” sambit ni Arca na nakopo ang gold medal sa Open Blitz, side event ng World Youth Chess Championships na ginanap sa Montesilvano, Italy mula 12 – 24 Nobyembre 2024.
Tangan ang itim na piyesa ay naging solido at matatag ang depensa ni Arca kontra sa Viet GM sa kanyang Chebanenko Slav variation na pamosong malakas na depensa at reportoire ni Super GM Wesley So.
Una rito ay malakas na binuksan ni Arca ang kampanya na nagtala ng tabla kontra kay Grandmaster (GM) Nguyen Anh Dung ng Vietnam at sinundan ito ng mga panalo laban kina International Master (IM) Yiping Lou ng China at International Master (IM) Azarya Jodi Setyaki ng Indonesia na sinundan ang draw sa kababayang si International Master Michael Concio, Jr.
Sina Arca at Concio, ay kapwa naglalaro sa gabay nina Dasmariñas City mayor Jenny Barzaga at National Coach FIDE (FM) Roel Abelgas.
Ang 1st IM norm ay nakamit ni Arca sa 18th IGB Dato’ Arthur Tan Malaysian Open Chess Championships, isang nine-round tournament na ginanap sa Midvalley Megamall sa Kuala Lumpur, Malaysia mula 28 Agosto hanggang 3 Setyembre 2023.
Upang makakuha ang IM title, dapat makamit ng isang manlalaro ang tatlong kinakailangang IM norm at 27 games o higit pang mga laro at isang FIDE rating na 2400 o higit pa.(MARLON BERNARDINO)