BINUKSAN ni Vincent Vianmar Dela Cruz ng University of the East ang Day 2 ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) Philippine Athletics Championships 2024 na may gintong medalya sa men’s 10,000-meter walk (Open) na ginanap sa Philsports Oval sa Pasig City nitong Huwebes, 9 Mayo.
Ang 23-anyos na si Dela Cruz ay isang ipinagmamalaking anak ng San Miguel, Bulacan. Ito ang kanyang ikatlong ginto sa Philippine Athletics Championships matapos manalo ng kanyang unang titulo noong 2017 sa 5,000m walk at 10,000m walk gold noong 2019.
Habang inangkin ng 22-anyos na si Jamela De Asis ng University of Santo Tomas (UST) ang gintong medalya sa women shot put open category.
Huling kinatawan ni De Asis ang Filipinas sa 2023 Cambodia SEA Games, ngunit natanggal sa lineup nang mabigong mapanatili ang pambansang pamantayan.
Ito ang kanyang ikalawang taon sa pagsabak sa Philippine Athletics Championships, at umaasa siyang madoble ang kanyang tagumpay kapag sumabak siya sa women’s hammer throw event.
Ipinamalas ni national team sprinter Frederick Ramirez ang husay ng mga homegrown matapos nitong iuwi ang gintong medalya sa Men’s 400m (Open) Final.
Ginapi ni Ramirez, miyembro ng record holder na 4x400m relay team, sa pagtatala ng 46.81 tiyempo ang dayuhan na si Kailen Perry, nakapagsumite ng 47.50 segundo habang pumangatlo ang kakamping si Michael Carlo Del Prado sa National Team na may 47.54 oras.
“I would like to express my gratitude to those people behind this success specially to God, thank you for guiding me all throughout. Lord thank you for the strength and power that you gave. I know that there are lots of challenges and it’s not easy but thankfully I made it,” emosyonal na sabi ni Ramirez.
“Alam ko na marami akong pagsubok sa buhay at minsan nawawalan na ako ng pagasa dahil marami na akong breakdowns na pinagdaanan and I’m so grateful because I have JRU coaches who pushed me to be better and to do things na magiging proud ako sa sarili ko. Hinding-hindi ako magsasawang magpasalamat to my coaches George Noel V. Posadas, Elma Muros Posadas, Bato Abangan, Ace Ronx, Julius Nierras, Melbert Diones, and my manager Jun Basas Esturco,” sabi ni Ramirez.
Una nang ikinamada ni Ramirez ang personal best na 46.53 para tumapos na 5th place sa Asian Championships at maitala ang ika-4 sa All-Time list sa mga Pinoy na 400-m runners.
Una rito sina PH Record Holder at 2x Asian Champion Isidro Del Prado, 2017 SEA Games 400m Champion Trenten Beram, at Fil-Heritage athlete UMajesty Williams.
Samantala, ang dating Olympian na si Eric Cray ay nangangarap na makipagkompetensiya at magtakda ng bagong personal na pinakamahusay sa men’s 400m hurdles ngayong Biyernes.
Umaasa ang six-time SEA Games champion na pagbutihin ang kanyang season best na 49.8 segundo o mas malapit sa Olympic qualifying standard na 48.7 segundo.
Ang limang araw na kaganapan (8-12 Mayo 2024), na inorganisa ng Philippine Athletics Track and Field Association – PATAFA, pinamumunuan nina President Terry Capistrano at Secretary General Jasper Tanhueco sa pakikipagtulungan sa Philippine Sports Commission-PSC ay suportado ng International Container Terminal Services, Inc. Foundation, MILO Philippines, CEL Logistics Inc., Pocari Sweat Philippines, SIP Purified Water, Wireless Link Technologies Inc. (WLTI), United Auctioneers Inc., Masiv Sports, Victory Liner, AAI Worldwide Logistics, Inc. at Filam Sports. (MARLON BERNARDINO)