INILAGAY sa gitnang-hati (half-mast) ang bandila sa harap ng gusali ng senado bilang pagluluksa sa pagpanaw ni dating Senador Renato “Symbol” Saguisag.
Kabilang sa naunang nagpahatid ng kanilang panghihinayang at pakikiramay ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senadora Nancy Binay, Grace Poe, Senador Francis “Chiz” Escudero, at Robin Padilla.
Si Saguisag ay malapit sa mga Binay dahil nagkasama sila ng kanyang ama na si dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay bilang human rights lawyer lalo noong panahon ng martial law.
Inulila ni Saguisag sina Rebo, Nonoy, Lara, Laurence, at Kaissa na talagang hindi siya iniwan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
Para sa mga senador isang malaking kawalan para sa bayan ang pagpanaw ni Saguisag na lubhang malaki ang naging kontribusyon para ipaglaban ang karapatang pantao noong panahon ng batas militar at malaki rin ang naitulong sa paggawa ng mga batas na nagtatanggol sa bawat mamamayang Filipino.
Hindi pa naitatakda ang necrological services ng senado para kay Saguisag bilang pagbibigay-galang at pagpupugay pero tiniyak na magkakaroon nito sa pakikipag-ugnayan sa kanyang mga naulila.
Sa social media post ni Deputy Speaker of the House of Representatives, Cong. Lorenzo “Erin” Tañada, sinabi niyang nagluluksa rin ang kanilang pamilya sa pagpanaw ni Saguisag.
“We extend our sincerest condolences to the family and loved ones of Senator Rene.”
Aniya, si Saguisag ay isa sa mga tagapagtaguyod ng Human Rights. Kabilang sa hanay ng mga abogadong nanguna para ipagtanggol ang mga political detainees noong panahon ng Marcos dictatorship. Sinundan niya ang mga yapak nina dating Senator Lorenzo Tañada at Senator Jose Diokno sa pamamagitan ng pagbisita sa kanyang mga kliyente na nakadetine sa iba’t ibang bilangguan at military stockades para ialok nang libre ang kanyang serbisyo bilang miyembro ng Flag at paglaon ay Mabini. Ang Flag at Mabini ay kapwa miyembro ng human rights groups. Hanggang maging leader siya ng Mabini at nakapaglabas sila ang newsletter na tumatalakay sa human rights.
Sa mga kabataang estudyante, si Saguisag ay tinaguriang “Symbol,” hango sa kanyang apelyido at bilang huwaran ng pagtataguyod sa karapatang pantao.
Inaasahang magbibigay ng eulogy ang mga dating kasamahang senador ni Saguisag gayondin ang ilang mga senador na kasalukuyang nakaupo. (NIÑO ACLAN)