ni RODERICK PALATINO
KAMPANTENG ibiniyaheng isang 47-anyos driver ng van kahit walang lisensiya sa pagmamaneho ang halos dalawang toneladang ilegal na droga o shabu, tinatayang aabot sa P13.3 bilyong halaga, sakay ng isang van ngunit nasakote ng mga awtoridad sa Alitagtag, Batangas kahapon ng umaga, Lunes, 15 Abril 2024.
Sa ulat mula sa Alitagtag Municipal Police Station na pinamumunuan ni P/Capt. Luis Q. De Luna, Jr., nagsasagawa ng checkpoint operation ang kanyang mga tauhan sa Barangay Pinagkurusan nang mamataan ang isang pampasaherong van, may plakang CBM 5060, mula sa bayan ng Sta. Teresita patungo sa Lipa na agad nilang pinahinto.
“Nang hingin sa driver ang kanyang lisensiya, wala siyang naipakita. At habang tinatanong kung bakit wala siyang lisensiya makikitang hindi komportable at hindi mapakali ang driver,” saad sa police report.
‘Di kalaunan, ang checkpoint ay nagresulta sa pagkakatambad ng tone-toneladang shabu na nasa containers at liquid form, may lamang bulto-bultong illegal na droga.
Agad inaresto ng pulisya ang driver na kinilalang si Alajon Michael Zarate, 47, sinabing residente sa J.P. Rizal St., Project 4, Barangay Masagana, Quezon City.
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., ang nasabing ‘drug haul’ ay maituturing na pinakamalaki na nag-iisang operation sa kasaysayan ng anti-illegal drugs campaign.
“This is a result of an intelligence-driven operation that was conducted by personnel from the Alitagtag Municipal Police Station. The estimated illegal drugs seized is P13.3 billion based on the standard drug price,” pahayag ni Abalos.
“Base sa initial screening ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency), they tested positive for the methamphetamine hydrochloride,” dagdag ng opisyal.
Spot promotion para kay
P/Capt. Luis Q. De Luna, Jr.,
Ayon kay Abalos, agad niyang inirekomenda kay National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang spot promotion para kay De Luna. Aniya, ipinakita ni De Luna kung paano maging nararapat na police officer.
“On this day, you are promoted, spot promotion because of the excellence and the bravery you showed Congratulations, we are proud of you,” ani Abalos kay De Luna sa ginanap na press briefing.
Sa bahagi ni De Luna, sinabi niyang siya at ang kanyang mga tauhan ay ginawa ang kanilang tungkulin at ang matagumpay na operasyon ay resulta ng determinasyon at dedikasyon sa trabaho.
Follow-up operations
Walang ibang bagong impormasyon sa pangyayari, dahil ayon kay Abalos, nagpapatuloy ang follow-up operations upang matukoy ang pinanggalingan at pagdadalhan ng nasabat na ilegal na droga.
“What is important now is to conduct an inventory and immediately destroy all of these,” dagdag ni Abalos, “upang matukoy ang pinanggalingan at pagdadalhan ng nasabat na ilegal na droga.”