ni BOY PALATINO
CAMP VICENTE LIM, LAGUNA – Patay ang isang navy pilot at co-pilot sa pagbagsak ng helicopter sa Draga reclamation area sa Barangay 57, Cavite City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Lt. John Kyle Borres, 36 anyos, tubong Cebu City at co-pilot nitong si Ens Izzah Leonah Taccad, 27, residente sa Tumauini, Isabela.
Agad na binawian ng buhay si Borres habang patungo sa Cavite Medical Center, at si Taccad ay namatay habang ginagamot sa Bautista Hospital. Sina Borres at Taccad, parehong miyembro ng Philippine Navy ay nakatalaga sa Naval Airwing Sangley Point sa Cavite City.
Ayon kay Lt. Col. Christopher Guste, hepe ng pulisya ng Cavite, sakay ng R22 Robinson helicopter ang dalawang Navy pilots nang maganap ang insidente kahapon dakong 6:30 am.
Aniya, hindi pa alam ang sanhi ng insidente. Sinabi ng mga saksi sa mga imbestigador, hinala nila ay nagsasagawa ng ehersisyo ang dalawang piloto nang bigla silang makaenkuwentro ng problema sa helicopter kaya napilitan silang lumapag sa bakanteng lugar sa Draga reclamation sa Barangay 57, Cavite City.
Ayon kay Guste, walang naiulat na nasaktan mula sa mga residente at walang napinsalang ari-arian.
“Ang mga piloto ay walang pasahero, sila lamang ang sakay nang ang helicopter ay puwersahang bumagsak,” ani Guste.
Aniya, naka-coordinate na sila sa Philippine Navy at nangangalap ng impormasyon sa flight plan ng R22 Robinson helicopter.