TAMPOK ang iba’t ibang produktong agrikultural at iba pang by-products, sa pagdiriwang ng mga taga-Sta. Maria, Laguna ng ika-11 Marilag Festival mula 11-14 Abril.
Sa panawagan ni Mayor Cindy Carolino, hinikayat niya ang publiko na saksihan at dalawin ang bayan ng Santa Maria at makilahok sa selebrasyon upang makita ang ganda ng bayan, mga talento ng mga kababayan, at mga produkto na tanging sa Sta. Maria lamang makikita.
Ang Marilag Festival ay dating tinatawag na Kalakal Festival, dahil ang Santa Maria ay kilala bilang food basket ng Laguna, ang bayan na may pinakamalaking ektarya ng lupang agrikultural.
Dahil sa magandang kaugalian ng mga tao, maipagmamalaking produkto, at kaiga-igayang mga lugar para sa turismo ang Kalakal Festival ay tinawag na Marilag Festival.
Sa wikang Filipino, ang Marilag ay nangangahulugang maganda, marikit, at kaaya-aya.
Inilatag ni Mayora Carolino, ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Marilag Festival gaya ng
Solidarity Musical Parade (Parada na may Sayaw) kahapon, pagdiriwang ng Banal na Misa, at Suman & Tamales cooking competition, kinagabihan ay ginanap ang Marilag Idol.
Ngayong Biyernes, 12 Abril, ay magbabasbas ng mga proyekto, TODALympics, Palarong Pinoy, at kinagabihan ay ang coronation night ng Binibining Marilag at Lakan ng Marilag.
Sa Sabado, 13 Abril, ay magkakaroon ng Zumba,
Indak sa Kalye (Street Dancing Competition), at ang People’s Night.
Sa huling araw, Linggo 14 Abril, magkakaroon ng motor show, gay volleyball, lechon cooking contest, at sa gabi ay ang Mayor’s Night, pagsasara ng programa at fireworks lighting.
“Halina at saksihan at dalawin ang bayan ng Santa Maria at samahan sa selebrasyon, makita ang ganda ng bayan at mga talento ng mga kababayan at mga produkto na dito lang ninyo makikita,” muling pahayag ng imbitasyon ni Mayora Carolino. (BOY PALATINO)