KUNG medalyang ginto ang nais ng sambayanan mula sa contact sports, ibilang ang Sambo sa may malaking potensiyal sa international arena.
Mula nang ipakilala sa bansa noong 2018 at maging opisyal na miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) may apat na taon na ang nakalilipas, humahakot ng tagumpay ang Sambo sa international competition kabilang ang katatapos na Dutch Open sa The Netherlands na kumubra ang Team Philippines ng tatlong ginto, isang silver at isand bronze.
“We’re proud to say that the Philippines is the only Southeast Asian nation na napabilang sa podium sa Dutch Open. Napakahirap Manalo rito, dahil mostly European ang kalaban, doble ang laki at taas sa ating fighters, but we proved that mas skillful tayo dahil solid ang fundamentals natin,” pahayag ni Sambo Pilipinas Federation president Paolo Tancontian sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Mistulang family affair ang kaganapan sa Dutch Open matapos magwagi ng gintong medalya ang magkapatid na Sydney at Chino Tancontian, habang nakakuha ng silver ang kanilang ama na si Paolo, naisubi ng kanilang head coach na si Ace Larida ang isa pang ginto sa Master’s class.
Bukod sa medalyang naiuwi, higit na importante ayon kay Tancontian ang karanasan at leksiyon na natutuhan ng Team Philippines sa European tilt.
“Napatunayan natin na kahit kulang tayo sa taas at laki, ‘yung tapang at bilis ng ating mga atleta ay isang advantage na puwede nating magamit. Actually, plano naming mas sumali sa Europe kaysa Asian meet dahil mas kaya nating manalo rito, malaking bagay para sa ranking ng ating mga atleta,” sambit ni Tancontian.
“Sa Asia kasi mabigat na kalaban ang mga East Asian nation dahil malaki ang impluwensiya sa kanila ng Russia na siyang No.1 sa sports ng Sambo,” aniya sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine, at Pocari Sweat.
Ayon kay Tancontian, mataas na rin ang pagkilala ng international community ng Sambo sa Filipinas kung kaya’t napili bilang miyembro ng Executive Board ng Sambo International Federation si Sydney Tancontian bilang kinatawan sa Athletes Commission.
“Ako naman naging miyembro na rin ng Board and lately nakuha ko na rin kasama si coach Ace (Larida) ang aming Master’s degree bilang Sambo practitioner,” ayon kay tancontian.
Aniya, puspusan na rin ang pagsasanay at paghahanda ng Team Philippines para sa pagsabak sa malalaking torneo sa abroad ngayong taon, kabilang ang Asia-Oceania Championship sa unang linggo ng Hunyo at ang Asian Indoor and Mixed martial Arts (AIMAG) Games sa Thailand,
Patuloy rin ang programa ng Sambo sa grassroots level, higit ang kampanyang maisama ang sports sa collegiate league at sa Palarong Pambansa.
“Malaking tulong ang financial assistance ng PSC sa Sambo development at sa pananatili ng ating mga elite athletes sa world ranking,” sambit ni Tancontian. (HATAW News Team).