ni Allan Sancon
MAGSASAMA-SAMA sina Gelli De Belen, Patricia Tumulak, Sherilyn Reyes-Tan, at ang dating businessman na ngayon ay isa ng public servant at Agri-Partylist Representative, Manoy Wilbert Lee, sa isang public service show, Si Manoy Ang Ninong Ko,na mapapanood ngayong Linggo March 3, 2024, 7:00 a.m..
Tampok sa show ang mga tunay na kuwento ng ating mga kababayan na siyang magbibigay inspirasyon sa mga manonood para lalong magsumikap at hindi mawalan ng pag-asa sa buhay.
“Ano mang problema ang ating kinakaharap ay tiyak na malalagpasan sa tulong ng ating komunidad at mga kapwa Filipino na handang tumulong sa kaibuturan ng kanilang puso,” pahayag ni Manoy Wilbert.
Lubha talagang matulungin itong si Manoy Wilbert kahit hindi pa man public servant, kaya naisip niya ang programang ito para mas marami ang kanyang matulungan.
Magiging co-host ni Manoy Wilbert si Gelli kasama ang ilang eksperto para magbigay solusyon sa mga problemang itatampok nila sa kanilang show.
Kuwento ni Gelli, “’Yung tulong na kailangan nila ay hindi lang usual na pera o pagkain dahil mas kailangan nila ang pang-matagalang hanapbuhay at may ipakain sa kanilang pamilya araw-araw.”
Magpupunta naman sina Sherilyn at Patricia sa iba’t ibang parte ng Pilipinas para hanapin kung sino ang mas nangangailangan ng tulong ng programa. Iinterbyuhin nila ang bawat Filipino na may pangangailangan.
“Minsan nga ay nagiging emosyonal na ako sa kuwento nila tungkol sa mga problemang kanilang hinaharap,” pagbabahagi ni Patricia.
“May pagkakataon na nakare-relate ako sa istorya nila dahil katiting lang pala ng problema nila ang problemang na-experienced ko before,” kwento naman ni Sherilyn.
Paniguradong magbibigay inspirasyon ang public service program na ito sa mga manonood dahil sa kakaibang mga istoryang kanilang itatampok. Magsisimulang ipalabas ngayong Linggo sa GMA.