CAPAS, TARLAC – Binuhay nina Jamesray Mishael Ajido at Heather White ang pag-asa ng team Philippines at nang sambayanan sa napagwagihang bronze medal sa kani-kanilang event sa ikalawang araw ng kompetisyon sa 11th Asian Age Group Championships nitong Martes sa new Clark City Aquatics Center.
Matapos ang kabiguan sa unang araw kung saan kinapos sa dalawang pagtatangka sa podium, hinarbat ng 16-anyos Filipino-Briton ang ikatlong puwesto sa girls 15-17 100m butterfly sa tyempong 1:03.09.
Pumangatlo siya sa laban na pinagbidahan nina Hoi Ching Yeung ng Hong Kong na may tyempong 1:00.50 para sa bagong meet record matapos lagpasan ang 1:00.73 na nagawa ni Japanese Aki Obata noong 2009, habang nakuha naman ng teammate niyang si Sze Ki Mok ang silver medal sa 1:02.73.
“I am so happy, before the race I wasn’t expecting much. I was still recovering from the 50m freestyle so to have that big win after my loss, it was so amazing,” pahayag ni White, patungkol sa ikalimang puwesto sa 50m freestyle (26.68) sa likod nina Kazakhstan’s Sofiya Abubakirova (26.25), Chinese Taipei’s Pei Hsuan Li (26.28), Rimika Taira ng Japan (26.31) at Gilaine Ma ng Hong Kong (26.54).
Nasungkit naman ni Ajido, mula sa Antipolo City at pambato ng La Salle ang bronze medal sa boys 12-14 50m freestyle na may oras na 24.34, isang personal best at bagong national record.
Nakuha ni Toya Hirata ng Japan ang gintong medalya sa 23.21, isang bagong meet record na bumasag sa 24.03 oras na itinakda ng kababayang si Yuga Takashima noong 2019.
“Espesyal ito para sa akin, ipinagmamalaki kong manalo ng medalya para sa Pilipinas,” pahayag ni Ajido, Grade 8 student sa La Salle Greenhills at beterano sa SEA Age Group championships.
“Iniaalay ko ang tagumpay na ito sa Panginoon at sa aking pamilya,” dagdag ng 15-anyos na nagbulsa ng limang ginto at isang tansong medalya sa Batang Pinoy National Championships noong Disyembre.
Mismong si Philippine Aquatics Inc. (PAI) Secretary-General at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain at nagsabit ng medalya kina White at Ajido.
“Masaya kami ni PAI president Miko Vargas sa panalo ng ating mga swimmers. Morale-boosting ito since may dalawang araw pa ng kompetisyon,” pahayag ni Buhain.
Photo caption: PHILIPPINE Aquatics Inc. secretary general Cong. Eric Buhain kasama ang mga nanalo sa girls 15-17 100m butterfly event sa awarding ceremony ng 11th Asian Age Group Championships sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac noong Martes. Sa podium, mula sa kaliwa ay sina silver medalist Sze Ki Mok at gold medalist Hoi Ching Yeung ng Hong Kong, at bronze medalist Heather White ng Pilipinas. (LARAWAN NG AAG)