KABILANG sa prioridad ng Philippine Sports Commission (PSC) ang paglalaan ng sapat na suporta at pondo para makamit ng Pinoy Para Athletes ang pangarap na magkwalipika sa 2024 Paralympics sa Paris.
Ipinahayag ni PSC Commissioner Walter Francis ‘Wawit’ Torres na nakapaglaan na ang ahensiya ng sapat na pondo para magamit ng mga atletang may kapansanan sa kanilang paghahanda at partisipasyon sa Paralympics qualifying tournament ngayong taon.
Nakatakda ang Paralympics sa Agosto 28 hanggang Setyembre 8.
“The PSC is in full support for our para-athletes quest for Olympics slot. Just like our regular athletes, nakasubaybay tayo sa kanila para masiguro na makukuha nila ang lahat ng kanilang kaikangan from training uniform, allowances, training and participation abroad particularly yung mga scheduled qualifying meet para sa Paris Games,” pahayag ni Torres, Commissioner-in-Charge sa Para-athletes, sa ginanap na Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa VIP Room ng Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.
Kumpiyansa si Torres na magkwakwalipika ang Pinoy Para-athletes sa Paris at makasungkit ng medalya sa quadrennial meet.
“Considering our athletes performances in several tournament abroad like the Asean and Asian Para Games in the past years, we have a good chance to win medal in Paris,” sambit ni Torres sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
“Sina ASEAN multi medalist swimmer Angel Otom, at Para legend Ernie Gawilan are almost there. They only need to maintain their respective ranking inside the TOP 10. Although, may nakascheduled pang qualifying meet na sasalihan ang dalawa,” ayon kay Torres, dating Vice President ng Philippine Sports Association for the Differently Abled (PHILSPADA) bago naitalagang PSC Commissioner.
Ipinahayag din ni Torres na patuloy ang kooperasyon sa pagitan ng PSC at PHILSPADA para maisulong ang isang National tournament na maihahalintulad sa Batang Pinoy at Philippine National Games para sa mga Para-athletes.
Ang naturang mga tournament ay makatutulong para mas maraming Kabataan na may kapansanan na sumubok sa sports at paunlarin ang kanilang mga talent at kahusayan hindi lamang sa pamilya kundi sa bayan.
“We need continuity and strengthen our grassroots program not only for our regular athletes but also for Para-athletes. Although, hindi pa natin ma-achieved yung ideal framework sa Para sports may ilan na rin namang sports association na isinasama sa kanilang programa at activities which is good for the athletes,” pahayag ni Torres. (HATAW NEWS TEAM)