Alagwa ang City of Baguio para sa ikaapat na sunod na overall title laban sa mahigpit na labanan kontra Cebu at Pasig sa huling araw ng 14th Batang Pinoy 2023 National Championships na idinaos sa iba’t-ibang lugar sa Kamaynilaan.
Humakot ng 15 gintong medalya pa ang Summer Capital ng bansa sa archery, taekwondo at judo nitong Huwebes para maka-32 ginto, 25 pilak at 40 tanso upang iwanan ang umakyat sa ikalawang puwesto na City of Pasig (25-27-33) at ang dumausdos na dating kampeon na City of Cebu (20-15-21) sa tersera.
Apat na gintong medalya ang idinagdag ng 14-anyos na estudyante ng Baguio City National High School at nasa ikalawa niyang BP na si Chass Mhaiven Nawew Colas sa mga tagumpay sa male 15-under 30-meter, 40-m, 60m recurve, 1440-round recurve at isang pilak sa 50m.
“Masaya naman ako and hopefully madagdagan pa mamaya kasi may events pa ako (Olympic Round, Mixed team event, and team events),” bulalas niya sa palaro ng Philippine Sports Commission na mga suportado ng PAGCOR, DepEd, DILG, POC, NSAs, PBA, Milo PH, Otsuka Solar-Pocari Sweat, PLDT, Smart Communications, Grab, Chooks-to-Go at Shakey’s PH.
Nag-ambag ang Poomsae ng pitong ginto mula kina Kate Julliane Cortez sa individual cadet female, Caleb Angelo Calde sa Indiv cadet male, Acey Kiana Oglayon sa indiv junior female, at Jaidev Nicolas Montalbo, Marcus Jared Maquiray at Ryan Cliftin Nabejet sa team male cadet.
Wagi rin sina Angel Lyn Yvainne Dacanay at Caleb Angelo Calde sa mixed pair cadet, Aesha Kiaa Oglayon at Jonas Sales sa mixed pair junior, at Angelyn Yvainne Dacanay, Kate Julliane Cortez, Trisha Lobbonan sa poomsae team female cadet. (HATAW NEWS TEAM)