I-FLEX
ni Jun Nardo
PINATIKIM ng bagsik ni Gladys Reyes ang baguhang si Jhassy Busran sa pagsasama nila sa pelikulang Unspoken Letters na mapapanood na sa sinehan sa December 13.
“Sa kabuuan ng pelikula, talagang nakatikim siya! Pero kasi kailangan talaga sa istorya. Hindi naman ako ang nag-request niyon, ‘di ba? Ha! Ha! Ha!
“Pero kapag medyo maldita ang kaeksena, masasampal ko talaga ‘yun! Ha! Ha! Ha! Medyo kakantiin ng kaunti. Hindi. Joke lang po!” sabi ni Gladys sa mediacon ng Unspoken Letters.
May special condition si Jhassy sa movie kaya ani Gladys, “Medyo umiksi ang pasensiya ko. Kaya naman umiral ang pagiging nanay ko. Umiiral ang pagiging nanay ko kaya medyo natatakot sa akin ang kaklase ng anak ko! Ha! Ha! Ha!”
Ano naman ang reaksiyon ni Jhassy sa pagpapatikim ni Gladys sa kanya?
“Noong mabasa ko ang script at may sampal, hindi ko po alam kung sino ang gaganap. Sabi sa akin, si Ate Gladys daw. Nagulat ako!
“Known kasi si Ate Gladys for that. Let me explain! Ha! Ha! Ha! Marami ang nangangarap masampal ng isang Gladys Reyes. Pero ‘yung alam mo na gagawin ang eksena, nagulat na lang ako na hindi ini-expect kaya nadagdagan ang emosyon ko.
“After that, proud ako na nasampal ako ni Ate Gladys!” pahayag ni Jhassy.
Kasama rin sa movie sina Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Simon Ibarra at marami pang iba.