IGINIIT ni Senadora Imee Marcos, hindi talaga kapos ang suplay ng mga pagkain sa bansa tulad ng mga gulay, karne, at bigas kundi kailangan lamang nating tulungan ang sektor na ito sa isyu ng transport cost.
Ayon kay Marcos, kung siya ay tatanungin, sa kanyang pag-iikot sa bansa ay nakita niyang mababa pa rin ang presyo ng karne ng baboy, gulay, at bigas sa ibang panig ng Filipinas.
Ngunit ang nagpapataas at nagpapamahal ng presyo sa mga suplay ay ang mataas na presyo ng gasolina at petrolyo.
Kung kaya’t nanawagan si Marcos sa pamahalaan na agarang bigyan ng suporta ukol sa presyo ang transportasyon.
Bukod riyan, nanawagan si Marcos na itigil ang patuloy na importasyon sa bansa na isinasabay sa kasagsagan ng anihan.
Aminado si Marcos, “hindi masama ang importasyon kung talagang panahon ng tagtuyot at walang nagaganap na anihan hindi katulad ng importasyong isasabay sa mismong panahon ng anihan na lubhang papatay sa mga magsasaka.”
Naniniwala si Marcos, hindi dapat isipin ng pamahalaan na tuwing sasapit ang pagkakaroon ng kakapusan, ang susi ay importasyon, kundi dapat ang isipin ay kayang-kaya ng bansa na punuan ang kakulangan sa suplay.
Dahil dito umaasa ang Ate ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ang bagong talagang kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Secretary Francisco Laurel, Jr., ay wawakasan ang talamak na importasyon sa bansa bagkus ay maghahanap ng solusyon para punuan ang mga pangangailangan ng bansa ukol sa sektor ng agrikultura.
Naniniwala si Marcos, ngayong mayroon nang itinalaga ang kanyang kapatid ay tiyak na mabibigyan ng sapat na atensiyon ang sektor ng agrikulutura.
Maliban sa inaasahan ni Marcos sa liderato ni Laurel na kanyang matutulungan ang mga magsasaka na iangat ang kanilang kita at madagdagan pa ang produksiyon. (NIÑO ACLAN)