KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL – Arestado ang isang jeepney driver sa ikinasang buybust operation ng Santa Cruz PNP kahapon, 4 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Harold P. Depositar, Officer-In-Charge, Laguna PPO, ang suspek na isang alyas Ernesto, 51 anyos, jeepney driver at residente sa San Pascual, Batangas.
Sa ulat ni P/Maj. Laurence C. Aboac, hepe ng Santa Cruz Municipal Police Station, nagkasa ang kanilang Drug Enforcement Unit ng drug buybust operation dakong 6:10 pm kahapon, 4 Nobyembre, sa Brgy. Labuin, Santa Cruz, Laguna na nagresulta sa pagkaaresto kay alyas Ernesto matapos magbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa pulis na poseur buyer kapalit ang buybust money.
Nakompiska mula sa suspek ang limang (5) piraso ng small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng mga hinihinalang shabu at may tinatayang timbang na aabot sa anim na gramo at may standard drug price na aabot sa P40,800, isang pirasong P500 bill, ginamit bilang marked money, isang coin purse, isang unit ng cellular phone, at isang yunit ng motorsiklo.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Cruz MPS ang arestadong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Gayondin, ang mga kompiskadong ebidensiya ay isinumiti sa Provincial Forensic Unit (PFU) para sa forensic examination.
Ayon sa pahayag ni P/Col. Depositar, “Nagpapasalamat ako sa pakikipagtulungan ng mamamayan ng Sta. Cruz sa aming mga pulis. Ito’y patunay na kaisa ng PNP ang komunidad sa pagsugpo sa ilegal na droga saanmang lugar dito sa Laguna. Asahan ninyong mas palalakasin ng Laguna PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga.” (BOY PALATINO)