PITONG gintong medalya ang inangkin ng Philippine Army sa arnis competition, habang apat ang itinakbo ng Philippine Navy sa athletics event ng 2023 ROTC Games National Championships.
Bumandera sa ratsada ng mga cadet-athletes ng Army si Maria LG Mae Ballester ng Rizal Technological University sa pagdomina sa women’s non traditional single weapon at sa full contact padded stick events sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.
Wagi rin sa kani-kanilang mga events sina Kyla Omega Della Torre (women’s lightweight full contact paddle) ng Capiz State University, Joana Dela Cruz (women’s welterweight) ng RTU, Lolito Bacor, Jr. (men’s featherweight) ng RTU, Villamel Tiongson (lightweight) ng Don Honorio Ventura State University, at Febie Tacda (welterweight) ng RTU.
Tanging si Mikee Tungcul ng University of Cagayan Valley-Navy ang nakasingit ng gold sa kanyang panalo sa women’s non traditional single weapon.
Sa athletics sa Philsports Track Oval sa Pasig City, pinamunuan ni Kent Francis Jardin ng Adamson University ang pananalasa ng Navy sa kanyang tatlong ginto.
Matapos maghari sa men’s 200-meter run at samahan sina Denmark Dalunes, Ralph Anthony Lego at Alexander Padilla sa tagumpay sa 4x100m relay ay igniya ng UAAP Season 85 athletics MVP sina John Yuri Jumaday, John Mark at John Eril Martir sa panalo sa 4x400m relay sa bilis na 3:32.21.
Wagi rin ang Adamson sa women’s 4x400m relay sa pagtatala nina Christine Guerio, Hope Charity Labunayan, Samantha Nicole at Lea Mae Pareva ng tiyempong 4:53.12.
Inangkin naman nina Arturo Ocana ng Rizal Technological University at Jeslymay Licup ng University of Baguio ang gold medal sa men’s (11.21 segundo) at women’s (13.01 segundo) 100m dash, ayon sa pagkakasunod.
Sa boxing sa Dacudao court, pag-agaawan ng mga Army boxers ang gintong medalya.
Haharapin ni Tina Panis si Lyne Edezza Laja sa women’s bantamweight; sasagupain ni Kristine Grace Marquez si Rinoa Segunda sa featherweight; magtutuos sina Joeler Efondo at Vince Argie Lomboy sa men’s flyweight; magtatapat sina Alfred Deslate at Mark Paul Fernandez sa bantamweight; at lalabanan ni Florence Sumpay si Rodrigo Lumogda sa featherweight. (PSC-PCO Public Communication Office).