UPANG matugunan ang learning loss at pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan dulot ng pandemyang COVID-19, ipinatitiyak ni Senador Win Gatchalian na gawing bahagi ng 2024 budget ng Department of Education (DepEd) ang mga programa para sa learning recovery.
Sa isinigawang pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng DepEd at mga attached agencies nito, hiniling ni Gatchalian mula sa departamento ang budgetary requirements para sa pagpapatupad ng mga programa para sa learning recovery.
Bagama’t maaaring gamitin ng DepEd ang mahigit P4 bilyon sa ilalim ng Basic Education Curriculum, nais tiyakin ni Gatchalian na sapat ang pondong ito upang maabot ang mga mag-aaral na higit na nangangailangan.
Ayon sa DepEd, isusumite nila ang hinihinging budgetary requirements na hiling ng senador.
“Dahil patuloy pa rin tayong bumabangon mula sa pinsalang dulot ng pandemyang COVID-19, nais nating tiyakin na may pondo ang DepEd para sa pagpapatupad ng learning recovery sa 2024,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate committee on basic education.
Tinataya ng World Bank na mula noong Hunyo 2022, umabot na sa 90.9% ang learning poverty sa Filipinas.
Dating inianunsiyo ng DepEd na ipapatupad nito ang National Reading Camp, National Mathematics Program, at ang National Science and Technology Program upang tugunan ang learning loss na dulot ng pandemya.
Ipinatupad ng DepEd ang National Learning Camp (NLC) sa end-of-school-year break ng School Year 2022-2023. Ngunit boluntaryo lamang ang pakikilahok sa programa na sinimulan ang phased implementation sa Grade 7 at 8. Tinutukan din ng naturang programa ang Science, English, at Mathematics.
Ngunit upang magamit nang husto ang mga inilaang pondo para sa learning recovery, nais tiyakin ni Gatchalian na ang mga mag-aaral na hindi abot ang required competencies ang higit na makikinabang rito.
Matatandaang inihain ni Gatchalian ang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) upang mapaigting ang pagpapatupad ng learning recovery. Saklaw ng panukalang ARAL program ang mga mag-aaral na nasa below minimum proficiency levels sa Language, Mathematics, at Science. (NIÑO ACLAN)