KAILANGAN ng mas mahigpit na patakaran para tiyaking ‘siga’ ang Commander of the Guards sa New Bilibid Prison (NBP), upang hindi maulit ang pagtakas ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Isa ito sa repormang iginiit nitong Huwebes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, sa patuloy na pagdinig ng Senado sa pagtakas ni Michael Catarroja, nagsabing wala siyang nakitang keeper nang pumuga siya.
“Siguro sa susunod magkaroon ng guideline na ganoon, kung kaya ng opisyal ang position. Parang doon nanggaling. Hindi ko kayo sinisisi, tapos na ang sisihan. Dapat ngayon na siguro in aid of legislation, kami ni Sen. Tolentino, pag-usapan namin kung paano hindi ito mangyayari uli,” ani Padilla matapos marinig ang salaysay ni Corrections Senior Inspector Purificacion Hari.
“Mabigat na position ang commander of the guards,” dagdag ni Padilla, na nakulong sa Bilibid ng higit tatlong taon.
Matatandaang si Padilla ay nasentensiyahan sa kasong illegal possession of firearms ngunit ginawaran ng conditional pardon at parole ng namayapa at dating Pangulong Fidel Ramos, habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pinagkalooban siya ng “absolute pardon.”
Iminungkahi niya kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang, Jr., na “maglagay ka ng siga na Commander of the Guards.”
Ayon kay Hari, kulang ang tauhan niya nang naging pinuno siya ng mga guwardiya. Dahil dito, aniya, kahit mga babae ang kailangang maging escort ng PDL.
Dagdag ni Hari, ‘nagulat’ siya nang ginawa siyang “commander of the guards.”
Humanga si Padilla kay Hari at dating Bilibid deputy director Angelina Bautista – na bumitiw sa kanyang puwesto – dahil may command responsibility sila at hindi gumawa ng palusot.
“‘Yan ang kailangan natin, accountability, inaamin agad kaya nakakawala ng init ng ulo. Minsan sa hearing namin palpak na nagmamagaling pa,” aniya.
Samantala, iginiit muli ni Padilla ang pagrespeto sa karapatan ng mga bilanggo na naaayon sa Nelson Mandela Rules ng United Nations.
Nanawagan din si Padilla na mapondohan ang pagpapatayo ng gusali sa Bilibid at maaprobahan ang panukalang batas para ma-regionalize ang Bilibid, upang maresolba ang ‘overcrowding.’ (NIÑO ACLAN)