IGINIIT ni Senador Win Gatchalian ang mas mabigat na parusa laban sa mga indibidwal na nagbebenta ng mga rehistradong Subscriber Identity Modules (SIM) na kalaunan ay ginagamit sa iba’t ibang aktibidad sa cybercrime.
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng isiniwalat ni National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na lantarang ibinebenta ang mga rehistradong SIM sa iba’t ibang social media platforms.
Bukod dito, ibinunyag ni Lotoc na sinubukan nilang magparehistro sa pamamagitan ng hindi pinangalanang mga operator ng telecommunications ng SIM gamit ang larawan ng isang nakangiting unggoy at naging matagumpay ito.
Nagpapahiwatig lamang na puwedeng malusutan ng mga kawatan ang bagong batas na nag-uutos sa pagpaparehistro ng SIM upang ma-verify ang pagkakakilanlan ng may-ari.
Sinabi ni Gatchalian, sinasamantala ng mga kriminal ang pagbebenta ng mga rehistradong SIM at nakaipon ng libo-libong SIM na kalaunan ay ginagamit sa iba’t ibang investment, cryptocurrency, at love scam.
Maaaring ganito rin, ani Gatchalian, ang modus na ginagawa ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“Ang pangunahing layunin ng batas ay ang pagpaparehistro ng SIM upang magkaroon ng pananagutan ang may-ari nito at maaaring habulin ang rehistradong tao kung kinakailangan dahil ang kawalan ng pagkakakilanlan ay lumilikha ng mas maraming problema,” sabi ni Gatchalian.
Gayonman, ang katotohanan na ang pagpaparehistro ng SIM gamit ang larawan ng isang hayop ay nagpapahiwatig na ang mga parusa na ibinigay ng batas ay hindi sapat upang hadlangan ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng mga SIM card, sabi ni Gatchalian.
“Siguro kailangan nating taasan ang mga parusa at gawin itong mas mabigat,” aniya.
Ayon kay Gatchalian, ang mga telco provider ay dapat din maglagay ng epektibong post-validation mechanism para matukoy ang katotohanan ng mga detalye ng isang SIM user.
“Dapat may post-validation kung hindi automatic. ‘Yung monkey example ay bastusan talaga. Dapat mayroong pagpapatunay at matukoy natin kung sino ang mananagot para sa post-validation na iyon. May kailangan tayong gawin. Kung wala tayong gagawin, paulit-ulit itong mangyayari,” diin niya.
Ang pagpapatupad ng Republic Act 11934 o ang Subscriber Identity Module Registration Act, ang unang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay nagkabisa noong Disyembre ng nakaraang taon, na nag-uutos sa lahat ng may-ari ng SIM na irehistro ang kanilang mga mobile phone number. Ang mandatory registration ng SIM ay pinalawig hanggang 25 Hulyo ngayong taon.
Sa ilalim ng batas, ang mga gumagamit ng kathang-isip na pagkakakilanlan o dokumentong gawa-gawa lamang para magparehistro ng SIM card ay papatawan ng sentensiya ng pagkakakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon at multang P100,000 hanggang P300,000. (NIÑO ACLAN)