SISIMULAN na sa 4 Setyembre 2023 ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 2022 Census of Agriculture and Fisheries (CAF).
Ayon kina National Statistician and Civil Registrar General, Undersecretary Claire Dennis Mapa at Officer in Charge (OIC) ng Deputy National Statistician Censuses and Technical Coordination Office Minerva Eloisa Esquivias layon ng naturang census na magkaroon ng basehan at batayan ang pamahalaan at mga mambabatas sa kanilang pagbalangkas ng mga panukalang batas, polisiya at programa para sa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Aminado sina Mapa at Esquivias, ito ay kanilang ginagawa tuwing kada 10 taon simula ng huling CA.
Sa naturang census matutukoy kung ano-ano pang mga pasilididad at kagamitan ng sektor ng agrikultura at pangingisda ang kailangan.
Bukod dito, sinabi nina Mapa at Esquivias na matutukoy din kung lumalaki pa ba ang produksiyon nito at gaano ang sukat ng lupa sa sektor ng agrikultura at ang tubig sa sektor ng pangingisda.
Maging ang ilang mga establisimiyento at kompanya na mayroong kaugnayan sa sektor ng agrikultura at pangingisda ay sakop ng naturang census.
Inaasahan niba Mapa at Esquivias na makikiisa ang mga stakeholders sa kanilang gagawing census.
Tiniyak nina Mapa at Esquivias na protektado at confidential ang lahat ng impormasyong ipagkakaloob ng respondents na magsasaka at mangingisda at maging ng kanilang mga asawa sakaling paunlakan nila ang census.
Siniguro nina Mapa at Esquivias na mga lehitimong enumerator nila ang haharap sa mga respondents na nakasuot ng lehitimong IDE mula sa PSA, sombrero, damit at mayroong dalang tablet, kung saan doon sasagot ang isang respondent.
Kasama sa susugurin ng PSA ang mga barangay hall para matukoy kung mayroon silang available na pasilidad at kung ito pa ang napapanahon o dapat nang i-upgrade o dili kaya ay magkaroon ng karagadagan.
Anoman ang maging resulta ng census ay isusumite sa tanggapan ng Pangulo at sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at sa mga mambabatas upang magkaroon ng gabay para sa pagtugon sa pangangailangan ng sektor ng agrikultura at pangingisda.
Ang naturang census ay isasagawa sa buong bansa at magtatagal hanggang Oktubre ng taong ito at inaasahang ilalabas ang resulta sa susunod na taon.
At bilang suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa hakbanging ito ng PSA ay nagpalabas siya ng presidential proclamation na idineklarang ang buwan ng Setyembre bilang CAF month. (NIÑO ACLAN)