ZAMBOANGA CITY – Ginto ang unang medalyang nakamit ni Christine Talin Gomobos ng Jose Rizal Memorial State University nang magwagi sa iglap na pagitan sa women’s 200m ng 1st Philippine Reserve Officers’ Training Corps Games (PRG) 2023 – Mindanao Leg athletics competition na ginanap sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex kahapon.
Ipinakita ng 20-anyos na si Gomobos ang kanyang bilis sa arangkadahan para makuha agad ang unahan at masungkit ang inaasam na gintong medalya sa nasabing event matapos irehistro ang 28.2 segundo.
Sinandalan ni Punta Blanca, Manukan, Zamboanga Del Norte, native Gomobos ang pagiging atleta at naging masaya sa kanyang tagumpay sa event na sinalihan ng ROTC cadets at units mula sa iba’t ibang colleges at universities.
Dumating na segundo si Jessa Corpus ng Tangub, itinala ang 29.0 segundo sapat para ikuwintas ang silver medal habang bronze ang kakuwadrang si Ronalyn Suson.
Samantala, hinataw agad ng Davao De Oro State College (DDOSC) ang unang panalo kontra University of Mindanao Davao (UMD), 25-17, 25-14, 25-22 sa women’s volleyball event na nilaro sa ZPPSU Gym sa Zamboanga.
Walang naging problema sa naging laro ng DDOSC kaya naman madali nilang idinispatsa ang UMD habang nanonood si Senator Francis Tolentino, may brainchild ng nasabing event na sinalihan ng mga atletang mula sa Army, Navy, at Air Force.
Ayon kay DDOSC head coach Donita Rose Baldoz, kahit mabilis nilang tinalo ang kanilang kalaban ay marami pa silang dapat ayusin sa kanilang plays upang magamit sa susunod nilang laban.
“Maaga pa may makakalaban pa kaming mas malakas na teams kaya dapat pag-aralan namin ‘yung mga pagkakamali namin at mapaghandaan ang sunod naming laro,” saad ni Baldoz.
Dahil sa panalo, nahawakan agad ng DDOSC spikers ang top spot tangan ang 1-0 karta habang nalasap ng UMD netters ang unang kabiguan.
Bukod sa volleyball at athletics, ang ibang sports na pinaglalabanan ay ang Kickboxing, Arnis, Boxing, Esports at Basketball. (HATAW Sports)