PAGKATAPOS ng co-champion (2nd place after the tie break was applied) sa Elementary Division ng Asenso Misamis Occidental National Open Chess Tournament, na ginanap kamakailan (8-9 Hulyo) sa Aya Hotel & Residences sa Clarin, Misamis Occidental, si Philippine woodpusher Ashzley Aya Nicole Paquinol ay nakatakdang lumaban sa Eastern Asia Youth Chess Championship sa Hainan, China.
Magkakaroon ng 12 kategorya, at naka-iskedyul mula 3 Agosto hanggang 11 Agosto ng taong kasalukuyan sa Changjiang Chess Bay sa Hainan, Province, China.
Ang 12-anyos na si Paquinol, isang 1st year high school student ng Corpus Christi School sa Cagayan de Oro City, ay naglalayong itaas ang kanyang rating sa higit 2000, upang mailapit siya sa inaasam na titulong Woman FIDE Master.
“I hope to do well in this event,” ani Paquinol.
Si Paquinol na natutuhan ang mga simulain ng larong chess sa edad na 8 anyos ay nag-uwi ng kabuuang apat na medalya sa Under-12 Girls category sa 21st ASEAN+ Age-Group Chess Championships 2023 noong 25 Hunyo.
Nakuha ni Paquinol ang individual gold medal sa rapid event. Nanalo rin siya ng silver medal sa team event ng Standard, Rapid at Blitz competition.
Si Paquinol ay nasa mahigpit na pagsasanay sa ilalim ng gabay ng kanyang personal coach na si FIDE Master Nelson Villanueva. (MARLON BERNARDINO)