MANILA — Nagkampeon si Kayla Jane Langue sa katatapos na Philippine Sports Commission (PSC) at Pilipinas Para Games-backed chess tournament na tinaguriang Para Chess sa Women Sports na ginanap sa Athlete’s Dining Hall ng PhilSports Complex sa Pasig City nitong Sabado, 15 Hulyo 2023.
Ang 20-anyos na nakabase sa Las Piñas City na si Langue, tubong Agusan del Norte ay winalis ang double round robin format sa pamamagitan ng pag-iskor ng kabuuang 4.0 puntos laban sa dalawa pang contenders sa Visually Impaired-B1 category.
Dalawang beses niyang tinalo ang 23-anyos na si Abigail Magno ng Las Piñas City at 45-anyos na si Yolanda Pespes ng Baguio City.
Si Magno ay tumapos sa ikalawang puwesto habang si Pespes naman ay nalagay sa ikatlong puwesto.
Ang nangungunang tatlong nagwagi sa Visually Impaired-B2 ay sina Alille Magno (ginto), Phoebe Kayna Asis (pilak), at Angel Jerryl Suhillo (tanso).
Sa Physically Impaired National Athletes ay nakamit ni Atty. Cheyzer Mendoza ang ginto habang ibinulsa ni Cheryl Angot ang pilak para sa kanyang ikalawang puwesto, habang si Aime Dumagpi ay nanalo ng bronze medal para sa kanyang ikatlong puwesto.
Ang torneo ay inorganisa nina PSC commissioners Olivia “Bong” Coo at Walter Torres sa pakikipagtulungan nina Philippine Paralympic Committee president Michael Barredo, National Council on Disability Affairs executive director Joniro Fradejas, Philippine para chess team coach National Master James Infiesto, International Arbiter Patrick Lee, G. Alex Dinoy, at Bb. Rowena Bautista. (MARLON BERNARDINO)