KINUWESTIYON ni Senador Imee Marcos ang panibagong presensiya ng ilan pang C-17 Globemaster ng US Air Force sa Maynila at Palawan.
Isinagawa ito ni Marcos isang araw makaraang maglabas ng statement ang Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan niya hinggil sa kaparehong military plane na lumapag sa Maynila noong nagdaang linggo pero hindi nai-coordinate ng mga flight planner ng US sa mga ground handler sa paliparan ng Maynila.
Lumabas sa global flight tracker ng AirNav Systems na bandang 6:03 am noong Biyernes, isang US Air Force C-17, may flight code MC244 / RCH244 ang lumapag sa Maynila na nagmula sa Andersen Air Force Base sa Guam, umalis pa-Palawan bago mag 1:00 pm, at saka dumeretso sa Yokota Air Base sa lungsod ng Fussa, Japan bandang hapon.
Bagamat madalas nawawalan ng signal ang eroplano habang bumibiyahe, nairekord ng flight tracker na Flightradar 24 ang pag-alis nito mula sa Palawan bago mag-4:00 pm, oras sa Maynila, at ang pagdating nito sa Yokota bandang 9:30 pm, oras sa Japan.
Ipinakikita ng flight route nito mula Palawan ang pagdaan sa ibabaw ng Pampanga, Cagayan, at sa silangang baybayin ng Batanes at Taiwan bago tuluyang lumapag sa Yokota Air Base.
Napansin ng mga pasahero ng mga commercial flight na paalis at papunta ng Ninoy Aquino International Airpot ang dalawang US military plane malapit sa runway na kanilang ibinahagi sa opisina ni Marcos.
Isang C-17, may flight code RCH323, umalis ng Tokyo noong Biyernes ng gabi ang naispatan sa hilaga ng Busuanga kinabukasan, araw ng Sabado, lampas 10:00 am. Pero hindi ito nasubaybayan hanggang kinahapunan at nakita na lang na patungo sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Filipinas lampas 6:00 ng gabi.
“Kaunti lamang ang nakaalam sa isinasagawang US military activity sa ating teritoryo habang patuloy nating pinupuna ang presensiya ng mga barko ng China sa South China Sea,” diin ni Marcos.
“Alam kong may foreign military exercises ngayong buwan. Pero dapat maging patas ang pagsubaybay sa ating maritime territory at EEZ (economic exclusive zone) gayondin ang Philippine air traffic rules at joint military agreement natin sa US,” dagdag ni Marcos.
Kaugnay nito, nanawagan si Marcos sa mga opisyal ng militar, depensa, at foreign affairs ng Filipinas na tukuyin kung pinalalala ng mga sektretong paglipad sa bansa ng mga US military plane ang tensiyonadong sitwasyon sa South China Sea at Taiwan Strait at timbangin ang panganib na maaring idulot nito sa publiko. (NIÑO ACLAN)