HINIMOK ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara ang lahat na bigyan ng isa pang pagkakaton si Department of Tourism (DOT) Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco kahit pumalpak at binatikos ng mga negatibong komento ang kanilang “Love the Philippines” campaign ads.
Ayon kay Angara hindi dapat masayang at mabalewala ang lahat ng ginagawang pagsisikap ini Frasco ukol sa turismo ng bansa.
Pinuri ni Angara si Frasco sa kanyang mabilisang aksiyon na agarang ibasura at i-terminate ang kasunduan sa pagitan ng DDB Philippines na siyang humawak ng kampanya para sa bagong slogan ng turismo.
Ipinunto ni Angara, ang ginawang mga hakbangin ni Frasco ay para sa pagbangon ng turismo mula sa naging dulot ng pandemyang COVID 19.
Sinabi ni Senadora Nancy Binay, kung nabigo ang isang pag-ibig ay dapat mag-move on at magpakasaya na lamang.
Iginiit ni Binay, hindi maaaring masayang na lamang ang pagsisikap ng ating pamahalaan sa sektor ng turismo sa ating bansa.
Tulad ni Binay, naniniwala rin si Senador Jinggoy Estrada, nangyayari ang pagkakamali sa bawat isa ngunit ang mahalaga ay natuto tayo sa pagkakamali para hindi maulit pa.
Ipinunto ini Estrada, ang mabilisang aksiyon ni Frasco ay nagpapakita na handa niyang protektahan at palaguin ang integridad ng sektor ng turismo.
Dahil dito naniniwala ang mga senador na mas higit pang makalilikha ng maganda at maayos na campaign ads at slogan para ipakilala sa buong mundo ang gnda ng turismo sa bansang Filipinas. (NIÑO ACLAN)