MANANATILING suportado ng mga miyembro ng mayorya ng mga senador ang liderato o pamumuno ini Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ito ay matapos kompirmahin ni Senador Jinggoy Estrada, isa sa sinabing nais ipalit sa kasalukuyang liderato, ang suporta niya kay Zubiri.
Magugunitang nauna nang nagpahayag si Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na mananatili ang kanyang suporta kay Zubiri.
Bukod sa dalawang senador ay nagpahayag din ng pananatili ng suporta kay Zubiri sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, mga senadora Imee Marcos, at Nancy Binay, mga senador Ramon Revilla, Jr., JV Ejercito, Juan Edgardo “Sonny” Angara, Francis “Tol” Tolentino, at Christopher Lawrence “Bong” Go.
Naniniwala ang mga senador na wala silang nakikitang dahilan para mapalitan sa puwesto si Zubiri lalo na’t ‘masaya’ sila sa pamumuno nito.
Iginiit ng mga senador, isang epektibong lider si Zubiri lalo na’t nakikinig sa mga ideya, suhestiyon, at opinyon ng kanyang mga kasamang mambabatas.
Naniniwala ang mga senador na mayroong mas mahalagang usapin o isyung dapat nilang pagtuunan ng pansin.
Ipinagtataka ng mga senador kung saan o kanino nanggaling ang isyu ng pagpapalit ng liderato sa senado.
Tumanggi si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr., magbigay ng komento ukol sa isyu.
Sinabi ni Zubiri, mananatili siyang naglilingkod sa senado bilang pinuno nito hangga’t suportado siya ng mayorya ng mga senador.
Sa kasaysayan ng senado, laging nagkakaroon ng isyu o usapin sa palitan ng liderato tuwing magkakaroon ng session break. (NIÑO ACLAN)