HINILING ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO), ang unyon ng mga empleyado sa Senado, sa tanggapan ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug, Jr., ang pagpapaliban ng pagtatalaga sa mga bakanteng posisyong Legislative Staff Officer 1, may Item Nos. 634-01 at 634-03 sa ilalim ng LCSS-Governance and Legal Concerns (LCSS-GLC).
Ito ay matapos makatanggap ang mga opisyal ng SENADO ng isang liham, kalakip ang reklamo mula sa kanilang apat na miyembro na kumukuwestiyon sa naging proseso ng pagtanggap ng isang aplikante sa bakanteng posisyon.
Sa naturang sulat, natuklasang hindi nakipag-ugnayan ang pinuno ng HRMS na si Maria Vida G. Caparas sa pinuno ng LCSS-GLC para ipaalam na mayroong bakanteng puwesto ukol sa pagbibigay ng examination sa mga aplikante.
Sa nasabing impormasyon, maging ang pinuno ng LCSS-GLC ay lubhang nabigla sa prosesong isinagawa ng HRMS na pati ang mga dating kawani sa departamento ay hindi kasama sa mga kalipikado gayong nagbigay sila ng rekomendasyon para sa aplikasyon nito.
Nagtataka ang mga nagrereklamong miyembro ng SENADO, dahil kahit isinumite ang lahat ng dokumento at kalipikasyon na kailangan para sa LSO I position ay hindi sila naikonsidera sa puwesto gayong sila ay next rank.
Ipinagtataka ng apat na aplikante mula mismo sa LCSS-GLC, walang examination sa pre-qualifying requirements.
Ipinagtataka ng mga miyembro, sa kabila ng kanilang karanasan sa naturang trabaho at next-in-rank ang posisyon ay sila pa ang nawala sa mga pagpipilian aplikante.
Kabilang sa mga aplikanteng miyembro ng unyon sa Senado na biglang nawala ang pangalan para masungkit ang puwesto dahil sa naging resulta ng examination at hindi sa kanilang performance ay sina Ray Angelo Eduardo, Jonathan Valbuena, Sherry Mae Garcia, at Jonalyn Perez.
Ipinagtataka nila ang ipinunto ini Caparas na 70 porsiyento sa resulta ng examination o dapat ang score ay hindi bababa sa 18 puntos gayong hindi nila nakita ang resulta nito.
Palaisipan ngayon sa unyon kung sino ang mapapalad na nais iluklok sa bakanteng posisyon sa LCSS-GLC at saan galing kung mayroon mang backer.
Ngunit sa paliwanag ni Caparas sa isang liham, lumalabas na nagsagawa sila ng examination upang mabawasan ang mga aplikante sa naturang puwesto.
Paliwanag ni Caparas, verbal na hiniling ng Executive Director for Legislation na magsagawa ng examination sa aplikante para sa posisyong LSO I.
Ngunit sa record at paliwanag ni Caparas mayroon limang pinuno ng iba’t ibang departamento sa senado ang humiling ng examination ngunit ito ay pawang nangyari lahat ngayong 2023 at tanging sa ilalim ng liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa tradisyon umano ng senado hindi nakasanayan ang pagkakaroon ng examination sa bawat promosyon sa puwesto.
Natuklasan din na hindi humiling ng anomang examination ang mismong hepe o pinuno ng LCSS-GLC. (NIÑO ACLAN)