SA gitna ng pagdiriwang ng World Immunization Week nitong huling linggo ng Abril, patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang paglikha sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) upang mapatatag ang kakayahan ng bansa pagdating sa vaccine development o paglikha ng mga bakuna.
Iminungkahi ito ni Gatchalian sa Senate Bill No. 941 o ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022. Layon ng panukala na magtatag ng VIP na magsisilbing pangunahing research and development institute sa larangan ng virology. Magiging saklaw ng VIP ang pag-aaral ng lahat ng viruses at viral diseases sa mga halaman, tao, at mga hayop.
“Nakita natin noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 na mahalaga ang pagiging handa, lalo na sa pagpapalawig ng ating kakayahan sa pag-aaral ng iba’t ibang virus at viral diseases. Kung magkakaroon tayo ng Virology and Vaccine Institute, matitiyak natin na mas handa tayo at mas mapapadali ang pagtuklas sa mga bakuna at masugpo ang mga sakit,” ani Gatchalian.
Layon din ng naturang panukala na magsanay ng mga lokal na eksperto sa virology at bumuo ng mga akmang pasilidad. Makatutulong ito sa mga mananaliksik upang magsagawa ng mga pag-aaral sa anumang virus at upang magabayan ang mga otoridad sa pagpapatupad ng mga akma at napag-aralang estratehiya.
Magsasagawa rin ang VIP ng scientific at technological research and development (R&D) sa larangan ng virology. Bubuo rin ang VIP ng information system sa virology science and technology para magamit ng parehong pribado at pampublikong mga sector.
Gagamitin ang mga pag-aaral ng VIP sa pagresponde sa mga sakunang may kinalaman sa kalusugan, kabilang ang pagsugpo sa mga nakakahawang sakit.
Bibigyan rin ng mandato ang VIP na makipag-ugnayan sa mga nangungunang mga siyentipiko sa daigdig at mga virology centers at magsagawa ng pananaliksik na magpapatatag sa larangan ng virology sa bansa. (NIÑO ACLAN)