MATATAPOS na sa loob ng dalawang linggo ang isang internal review na isinasagawa sa Philippine National Police (PNP) na naglalayong tukuyin ang mga pulis na may kaugnayan sa illegal na droga.
Sinabi ito ni Pangulong R. Ferdinand R. Marcos Jr. kasabay ng pangakong walang humpay na labanan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
“Kaya naman ating ginawa ‘yung review, mga official sa police at dahan-dahan… malapit nang matapos. I think in another two weeks or so, matatapos na natin yan. Mare-review natin lahat yan,” ayon sa Pangulo sa 1st Joint National Peace and Order Council (NPOC) at Regional Peace and Order Council (RPOC) Meeting sa Malacañang.
“It’s a very complicated system, and it’s a very complicated situation. Hindi naman tayo puwedeng umaksyon on the basis ng tsismis. We cannot move on that basis. We have to be very careful because we have to [be] fair. It has to be just,” giit ng punong ehekutibo.
Sinabi ng Pangulo na walang masamang hangarin ang gobyerno sa puwersa ng pulisya dahil ito ang katuwang ng administrasyon sa kapayapaan at kaayusan.
Umapela siya sa mga miyembro ng PNP na makipagtulungan sa kanyang administrasyon at mayroon siyang obligasyon na tugunan ang problema sa kalakalan ng droga at tiyakin ang isang kapani-paniwala at maayos na puwersa ng pulisya sa bansa.
“The police have to be with us. They have to be on our side. We cannot do it without them. Ganun lang kasimple ‘yun. We have to have a good functioning police force,” aniya.
“Now, but there should be also a mechanism where those who have succumbed to temptation must be brought to account para naman mabuwag natin ang mga ganyang klaseng sistema,” dagdag ng Pangulo.
Sa pakikipagpulong sa mga peace and order council, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng konseho na tugunan ang dalawang pangunahing problema sa kapayapaan at kaayusan ng bansa: ang pagtaas ng karahasan sa pulitika at karahasan na nagmumula sa kompetisyon ng mga sindikato ng droga.
Dapat harapin ng bansa ang problemang pangkapayapaan at kaayusan ngayon upang maiwasang malubog sa karahasan at kaguluhan tulad ng nangyari sa ibang bansa.
“Nakita natin itong nangyayari sa ibang bansa sa buong mundo. Huwag tayong… huwag nating pabayaang mapunta ang Pilipinas doon sa ganung klaseng sitwasyon. Bakit? That’s when governments fail, that when nations fail, and wala tayong maaasahan,” aniya.
Noong Enero, hiniling ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga matataas na opisyal ng pulisya na maghain ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng pagsisikap na linisin ang puwersa ng pulisya ng mga opisyal na may kaugnayan sa droga.
Sinabi ni Abalos na susuriin ng isang komite ang mga rekord ng lahat ng mga pulis at pananatilihin ang mga hindi sangkot sa illegal narcotics trade. (ROSE NOVENARIO)