I-FLEX
ni Jun Nardo
TRANSWOMAN ang character ni Enchong Dee sa unang pagkakataon sa movie na Here Comes The Groom na isa sa entries ngayong Summer Metro Manila Film Festival.
Soul-swapping ang tema ng movie na sequel sa hit movie na Here Comes The Bride. Napunta sa katawan ng isang babae ang katauhan ni Enchong kaya kilos babae ang galaw niya.
Hindi ba siya natatakot na baka magsunod-sunod ang offers sa kanya sa transwoman role?
“Basta mahal ang bayad! Ha! Ha! Ha!” bulalas ni Enchong sa mediacon after ng screening ng movie.
“Kidding aside, time to move out of the box. May nangyari sa akin in the past kaya hindi ako tumatanggap ng ganoong role.
“Eh now, okey na ako. Wala na akong pakialam sa sasabihin sa akin basta gusto ko ‘yung role!” deklarasyon pa ni Enchong.
Kasama ni Enchong sa movie sina Miles Ocampo, Maris Racal, Awra Briguela, Gladys Reyes, Keempee de Leon (na pasabog bawat gawin sa movie), Nico Antonio, Tony Labrusca, Kaladkaren at iba pa.
Mula ito sa direksiyon at panulat ni Chris Martinez na nagbabalik muli sa pagdidirehe ng movie na produced ng Quantum Film, CineKo, at Brightlight.