I-FLEX
ni Jun Nardo
TUTULO ang luha at mapapakanta ang manonood sa kuwento ng composer-singer na si Rey Valera kapag ipinalabas na sa sinehan ang kanyang bio-pic bilang isa sa entries ngayong 2023 Summer Metro Manila Film Festival.
Of course, sa kapanahunan ni Valera, kabisado ang hit songs niyang Pangako sa ‘Yo, Kung Tayo’y Magkakalayo, Kung Kailangan Mo Ako, Maging Sino Ka Man, Malayo Pa Ang Umaga at iba pa.
Maraming hirap din ang dinanas ni Rey sa buhay bago naging tagumpay sa karera niya. Salamat kay Rico J. Puno na tumangging kantahin para sa kanya, ang Ako Si Superman, kaya si Rey ang nag-record nito at doon nagsimula ang magandang karera sa musika.
Basta ang pinanhahawakan ni Rey noong panahong walang-wala pa siya ay ang Diyos, pag-asa, at kinabukasan.
Malalaman sa movie kung paano nabuo ang kuwento sa sikat niyang kanta at malaki ang naging tulong ni Rey sa pagiging megastar ni Sharon Cuneta.
Magaling ang lumabas na si Rey Valera na si RK Bagatsing at palakpakan ang nanood nang kantahin ang Walang Kapalit na ginawa niya para sa lahat ng nagmamahal pati na ang LGBTQ+.
Ang gusto namin ay ang eksena nina RK at Christopher de Leon na may hatid na hanggang malayo pa ang umaga eh may pag-asa pa ang tao.
Sarap panoorin at pakinggan ang music ni Rey sa movie niyang Kahit Maputi Na ang Buhok Ko mula sa direksiyon ni Joven Tan at produced ng Saranggola Productions ni Edith Fider.
Palakpakan ang manonood nang matapos ang special screening.