FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MISTULANG mga langaw na isa-isang bumabagsak ang mga lokal na opisyal dahil sa mga brutal na pag-atake na naging mas madalas na kompara sa mga nakalipas na linggo.
Sa gitna ng pinaigting na apela ni Speaker Martin Romualdez, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang mga hepe nito na tutukan ang mga pagbabanta laban sa mga lokal na opisyal at kongresista at dagdagan ang security detail kung kinakailangan.
Pero nitong Sabado, anim katao ang napatay at mahigit isang dosenang iba pa ang nasugatan na pagsalakay na sinigurong tatapos sa buhay ni Governor Roel Degamo, isang importanteng kaalyado sa politika ni President Marcos na nagpursiging maipanalo siya sa Negros Oriental.
Nagpaulan ng bala ang mga suspek, na dumating lulan ng tatlong sasakyan, at nasapol ang gobernador, ang kanyang mga guwardiya, drivers, ilang medical personnel, at tatlong provincial department heads sa loob lang ng 30 segundo. Kung hindi commando-style ang estilong iyon ng pagpatay, hindi ko alam kung ano pa ang maitatawag doon.
Si Degamo, na ilang buwan nang ipinapaalam sa mga awtoridad na nakatatanggap siya ng mga seryosong pagbabanta sa kanyang buhay, ay sumasakay na sa isang bullet-proof vehicle at maya’t mayang binabago ang kanyang ruta upang maiwasan ang posibleng pamamaslang sa kanya. Pero sa ginawang pag-atake ng mga suspek, imposibleng makaiwas at makaligtas siya.
Para sa akin, iyon ay malinaw na mensaheng isinulat sa dugo, nakadirekta sa pinakamataas na opisyal na nasa Malacañang. Isang solidong punto na ipinarating at ipinagsiksikan sa utak ng Pinuno ng lahat ng opisyal sa bansa na — pagkatapos ng matitinding pananambang na ikinasugat ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. (Pebrero 17), ikinasawi ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda (Pebrero 19); at ikinasugat ni Datu Montawal Mayor Ohto Montawal (Pebrero 22) – maaaring malusutan ang seguridad ng pinakamalalapit niyang kaalyado.
“You can run, but you cannot hide… We will find you” ang quote mula sa Pangulo na bumulaga sa mga diyaryo, pero dapat na magsilbi iyon bilang pangakong hindi dapat mapako. Ang isang hungkag na pangako ay magiging senyales lang para sa lahat ng mga sagad-hanggang-buto at mapapanganib na kriminal ng ating lipunan na gumawa ng masama bilang paghamon sa ating mga awtoridad.
Ang tunay na problema sa transportasyon
Kung binabasa mo ito mula sa bahay, malamang na isa kang collateral victim ng malawakang tigil-pasada na bigong mapigilan ng administrasyong ito ng Junior Marcos. Inaasahan na ito sa isang pinuno na hindi naman talaga sinanay bilang isang “graft buster” o kahit man lang mahusay na boss.
Hindi na masasabing pang-iinsulto, malisyosong alegasyon, o kahit libelous na sabihing ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay isa sa mga most institutionally corrupt na ahensiya ng pamahalaan.
Higit pa sa premature, hindi napaghandaan at kahiya-hiyang perhuwisyo ng pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program, ang ipinaghihimutok ng mga taong nagtigil-pasada ay ang korupsiyon sa LTFRB!
Banggitin n’yo nang lahat: ilegal na prangkisa, panunuhol at kickbacks, kawalan ng transparency, diskriminasyon at pagkakaroon ng favoritism sa pagpapalabas ng prangkisa, usad-pagong na prosesong nagbubunsod ng fixing, pagkakasangkot sa mga operasyong walang regulasyon, kawalan ng kakayahang papanagutin ang mga pasaway, etc., etc.
May paraan, na may katumbas na halaga, na itinatago, siyempre, ng LTFRB. Resolbahin n’yo ‘yan, Mr. President, at nasolusyonan na ninyo ang karamihan ng mga problemang matagal nang nagpapahirap sa sektor ng transportasyon. Pagkatapos nito, pupuwede n’yo nang ipangalandakan ang makakakalikasan at episyenteng programa sa modernisasyon ng inyong gobyerno bilang isang bagay na mas kapani-paniwala kaysa iyong ito ay panibago na namang monopolyo sa bulsa ng LTFRB.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.