IKINALUNGKOT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pagpalo sa 8.7 % ng inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa noong nakaraang buwan ng Enero.
Aminado si FM Jr., hindi pa ramdam ang ginagawang diskarte ng gobyerno para pahupain ang inflation.
Inaasahan niyang bababa ang inflation rate kasabay ng pagbaba ng presyo ng gasolina at mga inangkat na produktong agrikultura.
“As I said, the importation of many of the agricultural products, which have been a large part of the inflation rate… we have already taken some measures so that the supply will be greater and so that will bring the prices down but that will take a little time,” aniya sa video na ipinaskil ng Presidential Communications Office (PCO).
“And my continuing estimate or forecast is that by – we can see the lowering of inflation by the second quarter of this year,” dagdag niya.
Ayon sa International Monetary Fund (IMF) January 2023 World Economic Outlook Update, ang inflation ay isang pandaigdigang problema na patuloy na magiging hamon sa mga bansa sa buong mundo.
Tinukoy sa ulat na ang pandaigdigang paglaban sa inflation, ang digmaan ng Russia sa Ukraine, at ang muling pagkabuhay ng COVID-19 sa China ay nagpabigat sa pandaigdigang aktibidad sa ekonomiya noong 2022, at ang unang dalawang salik ay patuloy na gagawin ito sa 2023.
Ang naitalang inflation rate ng Filipinas na 8.7 percent noong Enero 2023 ay mas mabilis kaysa 8.1 percent noong Disyembre 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ng PSA, pangunahig sanhi ng pagtaas ang halaga ng mga paupahang pabahay, singil sa koryente at tubig, gayondin sa mga presyo ng mga gulay, gatas, itlog, prutas at mani.
Inaasahan ng mga economic manager ng Pangulo na magiging katamtaman ang inflation para sa 2023 hanggang 2024, na may mas mabagal kaysa inaasahang pagbawi sa buong mundo at humihina ang pent-up na domestic demand. Bukod dito, ang epekto ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) rate hikes ay inaasahang mararamdaman ngayong taon.
Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, sa loob ng anim na buwan ng administrasyong FM Jr., walang nakitang pagrenda sa presyo ng pagkain.
Kulang aniya ang ginagawa ng agriculture department para pigilan ang pagsipa ng inflation.
Dapat magbigay ang gobyerno ng makabuluhang tulong ayudang pinansiyal sa pinakamahihirap na pamilya at magpatupad ng umento sa sahod at suportahan ang mga prodyuser sa kanayunan at maliliit na negosyo. (ROSE NOVENARIO)