IGINIIT ni Senador Francis “Chiz” Escudero, nasa kamay ng economic managers ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang magiging kapalaran ng panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) at Maharlika Investment Corporation (MIC), wala sa senado.
Ayon kay Escudero ang totoong may hawak ng bola sa naturang panukala ay ang economic managers at wala nang iba pa.
Aniya, sila ang dapat makasagot at makapagbigay ng tamang tugon sa mga katanungan ng mga senador.
Binigyang-diin ni Escudero, dapat makombinsi kung ano talaga ang kanilang gusto at anong solusyon sa mga problemang tinutukoy ng mga senador sa pagdinig.
Nagtataka si Escudero sa tila pagiging interesado ng economic managers ng Pangulo ngunit huli namang dumating sa pagdinig si Finance Secretary Benjamin Diokno.
Hindi kombinsido si Escudero sa mga sagot ni National Treasurer Rhea de Leon sa mga katanungan ng senador noong unang humarap sa pagdinig sa senado ukol sa naturang panukala.
“Ang gobyerno ay tumutulak na palayo sa pagbibigay ng exemption patungo sa pagkakaroon ng iisang uniform rate of taxation and policy and principle of taxation,” ani Escudero.
Matapos tukuyin ng ilang economic managers ang exemption sa pagbabayad ng buwis sa ilalim ng naturang panukala.
Ikinagulat din ang biglaang posisyon ni Diokno ukol sa isyu ng tax-exemption dahil noong siya Budget Secretary ay ayaw niya ng tax-exemption.
Nanindigan si Escudero, dapat gawin ng economic managers ay ipagtanggol ang kanilang panukalang batas at hindi iaasa na lamang sa mga senador. (NIÑO ACLAN)