NAGKAKAROON ba ng firearms smuggling sa bansa?
Ito ang tanong Senador Ronaldo “Bato” Dela Rosa kasunod ng pagpapahayag ng kanilang pagkabahala nina Senador JV Ejercito sa pagkakaroon ng matataas na kalibre ng mga baril at granada ng mga dayuhan sa bansa gamit sa kidnapping
Ito ang natuklasan sa pagdinig ng senado kaugnay sa naging privilege speech ni Senadora Grace Poe.
Inihayag ni Pasay City police chief Col. Byron Tabernilla, agaran silang nagsagawa ng mga operasyon upang mahuli ang mga salarin.
Iniharap ni Tabernilla sa pagdinig ang mga larawan ng kanilang nadakip na sina Chinese nationals Yun Gao, Jia He Zhang, at Lie Wang gayondin ang mga larawan ng mga armas o kalibre ng baril at isang granada na kanilang nakompiska.
Ikinagulat ni Dela Rosa na sobrang mamahalin ang mga armas na nakompiska kung kaya’t hindi ito mabibili ng ordinaryong mamamayan maliban kung sindikato o pinalusot o hindi pinadaan sa tamang proseso.
Lalo pang tumindi ang reaksiyon ni Dela Rosa nang aminin ni Tabernilla na pawang walang lisensiya ang mga naturang armas.
“Hindi ito ordinaryong organized crime e. Basing on the firearms, isipin mo Kimber, ‘yan ang pinakamahal na handgun na nabili ko. Meron akong ganyan. Napakamahal niyang Kimber. Tapos ‘yung isa CZ 75 pang shooting ‘yan na armas,” ani Dela Rosa na dating hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ikinagulat ni dela Rosa ang kawalan ng records sa PNP Firearms and Explosives Office ng mga naturang armas.
“Paano sila nakabili ng ganito kagandang baril nang walang record sa FEO? Ano? Nai-smuggle na ‘yan papasok ng Filipinas?” dagdag ni Dela Rosa.
Itinuturing ng senador na dating pulis na lubhang mapanganib para sa seguridad ng bansa ang pagkakaroon ng armas ng isang dayuhan.
Dahil dito, tiniyak ni PNP Director for Investigation and Detective Management (DIDM) chief, P/MGen. Eliseo Cruz sa senado ang paghiling niya sa Pasay police ng pagsasagawa ng macro etching procedure sa mga nakuhang armas upang malaman kung ang mga serial numbers ay tampered.
Kaugnay nito, hindi naitago ni Ejercito ang pangamba na ginagawang dahilan ng Chinese syndicates ang pag-uugnay sa POGO upang makapagsagawa ng kidnapping sa bansa.
“We have to know e. Kasi kung hindi lang isang beses ‘to, there’s really something wrong, Mr. Chairman. Medyo nakaaalarma ‘yan kasi ang tingin natin d’yan baka itong mga sindikato, in using the POGO avenue, mukhang iba na ang modus nito at iba talaga ang operasyon – kidnapping at iba pang crime-related [incidents],” dagdag ni Ejercito.
Inamin ni Cruz na nakapagtala ang PNP ng 892 suspects na mayroong kaugnayan sa kaso ng POGO mula noong 2017 hanggang Enero 2023.
Mula sa kabuuang 892 suspects, 782 ay pawang Chinese nationals, isang Vietnamese, 80 Filipino, limang Malaysians, isang Koreano, dalawang Thai nationals, dalawang Indonesians, habang 19 ang inaalam pa ang pagkakakilanlan. (NIÑO ACLAN)