Monday , December 23 2024
cyber libel Computer Posas Court

Sex offenders database itinutulak ng senador

ITINUTULAK ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagtatatag ng isang pambansang database ng mga sex offenders na pagkukunan ng impormasyon ng mga lokal na ahensyang nagpapatupad ng batas maging ang kanilang foreign counterparts.

“Maraming special penal laws laban sa mga sex-related offenses nitong mga nakaraang taon ngunit mawawalan ito ng saysay kung walang sapat na ibinibigay na proteksyon at pagbabala sa publiko,” paliwanag ni Estrada sa pagpapahalaga sa pagsasabatas ng kanyang Senate Bill No. 1291 o ang panukalang “National Sex Offender Registry Act.”

Aniya, nakakalungkot na mayroong mga sex offenders na nahuli at nahatulan na ng pagkakakulong ay nagagawa pa rin na makapambiktima sa pamamagitan ng paglipat sa ibang lugar. 

Paliwanag ni Estrada, layon ng kanyang panukalang batas na magtatag ng pambansang sex offender registration database na maaaring magamit hindi lamang ng publiko kundi maging ang iba’t ibang non-government organization na nagsusulong na maproteksyunan ang mga kababaihan at mga bata na kadalasang nagiging target na biktima ng mga ganitong klaseng kriminal.

Sa ipinapanukalang National Sex Offender Registry Database, ang Department of Justice ang magtatatag at mangangasiwa nito at maglalaman ito ng mga pangalan at iba pang mahalagang detalye patungkol sa mga sex offender na naninirahan o naglalakbay sa bansa.

Ito ay maaaring magamit ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas. Maaari rin itong ibahagi ng mga nasabing ahensya sa kanilang counterparts sa ibang bansa kung kinakailangan.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Estrada, bago makalaya mula sa pagkakakulong ang mga nahatulang sex offender, kailangan muna nilang magparehistro at regular na mag-update sa probinsya, lungsod o munisipalidad na kanilang kinabibilangan o kung saan sila naninirahan, nagtatrabaho o nag-aaral. Sakaling may pagbabago sa mga nasabing impormasyon, binibigyan sila ng 10 araw para mai-update ito at kung bigo nilang gawin ito ay mapapatawan sila ng isa hanggang limang taon na pagkakakulong at multa na P10,000.

Ang mga nahatulan ng mga lokal maging ng korte sa ibang bansa ay habambuhay na nakarehistro at kinakailangang humarap kahit isang beses isang taon sa harap ng lokal na pulisya sa kanilang lugar o tirahan upang personal na patotohanan ang kanilang idineklarang impormasyon.

Sakop rin ng panukalang batas ang pagsasagawa ng information and education campaign na pangungunahan ng DOJ at PNP para itaas ang kamalayan ng publiko sa pagkakaroon ng registry at matiyak na maa-access o magagamit ang impormasyong ito ng mga ahensyang nagpapapatupad ng batas.

Sinabi ni Estrada na marami ng bansa ang napapatupad ng ganitong batas matapos maipasa ng Estados Unidos ang national-level Sex Offender Registration law noong 1994.

“Hindi layon ng panukalang batas na ito na hiyain ang mga convicted sex offenders, bagkus, ang layunin nito ay para makatulong sa pagbabala sa komunidad sa kinakailangang proteksyon ng mga bata at lipunan sa krimen na kagagawan ng mga sexual predators,” sabi ng senador.  (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …